ni MARY ANN SANTIAGO

Hindi na kailangang kumuha ng permit mula sa lokal na pamahalaan ang mga taong nais na magtayo o mag-organize ng community pantry sa mga lungsod ng Maynila at Pasig.

“Good deeds need no permit,” ito ang inihayag kahapon ni Manila Mayor Isko Moreno, kasunod ng ilang ulat na kailangan pa umanong kumuha ng permit ng mga organizer bago makapagtayo ng community pantry.

Nabatid na inatasan na rin ni Moreno si Manila Police District (MPD) Director P/BGen Leo Francisco na tiyaking hindi pakikialaman ng mga pulis ang mga naturang pantries at wala silang anumang pag-aresto na gagawin.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

“We don't require permit. Good deeds need no permit. Nagpapasalamat ako sa Diyos na sa gitna ng kahirapan ng bawat isa sa pandemyang ito ay umiiral ang pagmamahal at pagmamalasakitan ng ating kapwa at ito ay gagamitin nating inspirasyon sa paglilingkod sa bayan upang pagbutihin pa ang ang serbisyo ng pamahalaang-lungsod lalo na yung Food Security Program 2021…maraming salamat sa lahat ng mamamayan na gumagawa ng kabutihan sa kapwa. Manatili po sanang ganyan at walang susuko. Kaya natin ito at may awa ang Diyos makakaraos din tayo,” ayon pa kay Moreno.

Kasabay nito, pinapurihan ni Moreno ang negosyanteng si Ann Patricia Non, na siyang nanguna sa pagtatayo ng Maginhawa Community Pantry sa Quezon City, at naging ugat upang mas marami pang community pantries ang maitayo sa bansa.

Gayundin, pinuri ng alkalde ang mga residente ng Maynila na gumaya at sa sumunod sa paglalagay ng pantries katulad na lang ng ginawa sa P. Noval St. sa Sampaloc.

“Maraming salamat Ann, na-inspire mo ang mga Batang Maynila. ‘Yung kanyang kabutihang-loob, dahil maganda ang intensyon, naturally nagkaroon ng growth kaya ginaya, kesa kung bilasa ang intensyon o pakitang-tao...dapat papurihan kasi mabuti ang pagkakawangggawa,” ani Moreno.

Umapela ang alkalde sa mga organizers at beneficiaries ng community food pantries na tiyaking hindi magkakaroon ng overcrowding at istriktong susundin ang minimum health protocols upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.

Pinaalalahanan rin ni Moreno ang mga mamamayan na pairalin ang disiplina at huwag kumuha ng sobra-sobrang pagkain para may mapakinabangan din ang iba pang taong nangangailangan.

Samantala, sinabi ni Pasig City Mayor Vico Sotto na hindi rin kailangan ng permit upang magtayo ng community pantry sa kanilang lungsod.

“Para sa mga nagtatanong, hindi kailangan ng permit. Wala po tayong ‘Permit to Help,’” ani Sotto sa kanyang social media account.

Pinuri rin niya ang mga taong handang magkaloob ng tulong sa kanilang kapwa nangangailangan.

“Government has limited resources, so any effort to help others is very welcome,” ani Sotto.