ni FER TABOY

Patay matapos magbaril diumano sa kanyang sarili ang isang police officer sa loob ng comfort room ng Cebu Regional Police Drug Enforcement Unit Office pasado 9:00 ng gabi nitong Lunes.

Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, kinitil umano ni Police Staff Sergeant Celso Colita ang kanyang buhay gamit ang .45 caliber na baril. Nangyari ang insidente ilang oras matapos binaril at napatay ang isang babae sa Barangay Basak-Pardo, Cebu City.

Kinilala ang biktima na si Ritchie Nepomuceno, 35 taong gulang.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Si Nepomuceno ay dumulog sa Integrity Monitoring and Enhancement Group Visayas (IMEG-Visayas) dahil sa reklamong rape at robbery laban kay Colita at ng sampung iba pang pulis ng Sawang Calero Police Station.

Inimbestigahan ng pulisya ang posibleng motibo ng mga pangyayari kabilang na ang pagkilala sa suspek na bumaril kay Nepomuceno.

Kung maaalala, maliban sa rape laban kay Colita, inireklamo rin siya at ang iba pang mga kasamahan ng extortion, grave threat matapos hindi umano idinaan sa tamang proseso ang pagdakip kay Nepomuceno.

Batay sa alegasyon noon ni Nepomuceno,

nagsagawa ng search operation for firearms ang grupo ni Colita sa kanyang bahay sa Tungkil, Minglanilla na walang ipinakitang mga dokumento.

Sa isinagawang operasyon, wala umanong nakitang baril ngunit kinuha ng mga operatiba ang ilan sa mga kagamitan ni Nepomuceno kabilang ang bag at ATM card nito.

Dinala umano si Nepomuceno sa Sawang Calero Police Station dakong madaling araw noong Marso 10, 2021 at doon ‘illegal’ na ikinulong.

Dagdag pa ng biktima na dalawang beses diumano siyang ni-rape ni Colita at hiningan ng pera na aabot sa P170,000.

Kaugnay nito na-relieved sa pwesto si Colita at ang sampung pulis at inilagay sa Police Regional Office (PRO-7) Holding Area Unit, at noong Marso 30 ay sinampahan ng criminal charges sa Cebu Provincial Prosecutor’s Office.