ITINAKDA ng Philippine National Volleyball Federation (PNVF) ang National tryouts para sa binubuong koponan sa men’s at women’s indoor at beach volleyball national teams.
Iniimbitahan ng asosasyon ang lahat sa tryouts sa Abril 28 para sa women’s division at Abril 29 naman para sa men’s, ngunit kailangan pa nito ng pahintulot mula sa Inter-Agency Task Force.
“[President] Tats (Suzara) and Dr. (Raul) Canlas went to Subic today and coming back tomorrow to talk with the Subic Bay Management Authority with regards to the health protocols for the tryouts,” pahayag ni national team commission head Tony Boy Liao.
Ayon kay Liao, plano nilang idaos ang tryouts ng indoor volleyball sa Subic Bay Gymnasium habang ang sandcourt nh Subic Tennis Court ang magsisilbing venue para sa beach volleyball.
Inaasahang ihahayag ng PNVF ang mga pangalan ng mapipiling mga players ngayon ayon kay PNVF president Ramon Suzara.
Nakahanda rin aniya silang sumunod sa Joint Administrative Order na itinakda ng Department of Health, Philippine Sports Commission at Games and Amusements Board.
Kasama nila sa pagpili ng mga playerd ang mga national team coaches na sina Odjie Mamon (indoor women’s), Dante Alinsunurin (indoor men’s), Rhovyl Verayo (beach men’s) at Paul John Doloiras (beach women’s).Bukod sa 31st Southeast Asian Games sa Vietnam, paghahandaan din ng mga bubuuing national teams ang mga darating na Asian Volleyball Confederation tournaments. Marivic Awitan