ni MARY ANN SANTIAGO
Kinumpirma ng Private Hospitals Association of the Philippines, Inc. (PHAPi) na may ilang pribadong pagamutan sa bansa ang pinadalhan ng Department of Health (DOH) ng ‘notice of first offense’ matapos na mabigong makapagdagdag ng kanilang bed capacity para saCOVID-19 patients.
Nabatid na sa ilalim ng Bayanihan to Heal As One Act, ang mga public at private hospitals ay kinakailangang magdagdag ng kanilang capacity para sa COVID-19 cases.
Ang mga pribadong pagamutan ay dapat na magdagdag ng 30% mula sa 20% capacity dahil na rin sa panibagong surge ng COVID-19 cases.
Ayon naman kay PHAPi president Dr. Jose Rene De Grano, kahit naisin man nilang tumalima sa kautusan ay hindi aniya ito ‘doable’ dahil sa kakulangan ng healthcare workers na magma-manage dito.
“Although we would like to, it’s not really doable kasi we can increase the number of beds but who will manage that?” ayon kay De Grano, sa panayam sa telebisyon. “Walang pagkukunan ng additional na nurses. Otherwise, masa-sacrifice ‘yung mga non-COVID areas ng hospital. Hirap ka na ngang huminga, sinasakal ka pa.”
Idinagdag rin ni De Grano na kung notice lamang ang natanggap ng mga pagamutan sa unang paglabag nila sa kautusan, sa ikalawang opensa ay mahaharap sila sa mas istriktong penalties.
“Please be reminded that [the] same violations will be meted with stricter penalties. Sa (for the) second offense po, P20,000 na po ang penalty,” ayon pa kay De Grano.
Sinabi naman ni Health Undersecretary at treatment czar Leopoldo Vega, na ang mga pagamutan na nangangailangan ng dagdag na manpower ay kailangan lamang mag-request ng assistance mula sa kanilang regional health director.
Matatandaang kamakailan ay may dalawang batch na ng mga doktor at mga nurse mula sa ibang rehiyon ang idineploy patungo sa Metro Manila upang tumulong sa panibagong surge ng COVID-19 cases sa rehiyon.
Nagtayo na rin ang DOH ng modular hospitals at tents upang tugunan ang surge ng COVID-19 cases.
Target ng pamahalaan na makapagtayo ng lima pang karagdagang modular hospitals sa Hunyo.