Nitong Abril 14, naglabas ang 26-anyos na si Ana Patricia Non, isang furniture designer, ng kawayang lalagyan at nagkabit ng dalawang karatula sa isang puno sa tapat ng isang dating food park sa bahagi ng Maginhawa street sa Quezon City. Mababasa sa unang karatula ang: Maginhawa Community Pantry. Habang paalala naman ang nasa ikalawa: “Magbigay ayon sa kakayahan, kumuha batay sa pangangailangan. Mula sa paunang suplay ng gulay, itlog, bigas at mga de lata, bumuhos ang mga nagbibigay nang biskuwit, maiinom, gamot at iba pang basikong pangangailangan.
Matapos niyang ibahagi ang inisyatibong ito sa social media, ang simpleng ideya ay tinulad na rin sa ibang lugar sa Metro Manila at sa maraming bahagi ng bansa.
Tinularan ito ni Mang Tootz ng P.Noval; na sinundan din ng pagtatayo ng pantry ni Mara de Guzman sa Parang, Marikina, sa pagsasabing naging inspirasyon niya sina Anna at Mang Tootz. Ganito rin ang nangyari sa Caloocan na itinayo sa San Roque Cathedral; na tinaluran sa Plaza Roma sa harap ng Manila Cathedral sa Maynila. Mula Pampangan, Bulacan at Laguna, tumalon ang ideya sa Mindoro Occidental, sa Boracay, at hanggang sa katimugan ng bansa sa Purok 5, Canumay, Iligan City.
Nitong Linggo, ibinahagi niya ang kanyang pananaw sa lingguhang programa sa radyo ni Vice President Leni Robredo. “Malapit po sa sikmura,” (It’s a gut issue) pagbabahagi ni Non, bilang sagot kung bakit sa palagay niya ay mabilis na kumalat at lumawak ang gawain.
Bagamat nagpahayag siya ng kasiyahan sa naging pangyayari, nakaramdam din siya ng kalungkutan “kasievidentna talaga na kulang ang mganakukuha ng mga tao,” marahil bilang pagtukoy sa ayuda o pinansiyal na tulong na nagmumula sa pamahalaan.
Pinuri nina senador Juan Edgardo Angara at Panfilo Lacson at presidential spokesman Harry Roque ang naging pagpapamalas ng mga Pilipino ng bayanihan. Hinikayat ni Angara ang gobyerno, mga lokal na pamahalaan at pribadong sektor “to replicate and even scale up these community pantries to cater to even more people.”
Hindi naman kasing positibo ang pananaw ni Lacson, na nagsabing nararamdaman niyang nagiging “desperado” na ang mga tao sa kakayahan ng pamahalaan na matulungan sila, isang sentimyento na binanggit din ni dating Vice President Jejomar Binay na nagsabing: “When the situation seems hopeless, we can lift each other’s spirit.Magtulungan, magtiwala sa isa’t-isa, at manalig sa Maykapal.”
Naobserbahan ni Non na maraming tao ang gustong makatulong ngunit hindi sila makahanap ng tamang lugar para maibahagi ang ito. “Hindi naman kailangan magarbong effort para makatulong,” aniya, “kahit sa simpleng paraan lang.” Batid na ang inisyatibong ito ay hindi magiging solusyon sa kagutuman at kahirapan, sinabi niyang mainam na na nakaiwas man lamang ang mga tao mula sa pamamalimos o pag-utang.
Tinatanaw rin niya ang isang senaryo pagkatapos ng pandemya, kung saan maaaring muling magkita-kita at kumain ang mga tao sa Maginhawa (isang lugar ng kariwasaan, kaginhawaan at pahinga).