ni Bert de Guzman
Alam ba ninyong sa loob ng dalawang linggo ng Enchanced Community Quarantine (ECQ) na muling ipinairal noong Marso 29 hanggang Abril 11,2021, ito ay nagresulta sa pagkawala o lugi ng may P180 bilyong revenue o kita sa ekonomiya?
Nang dahil din sa ECQ, tinatayang may 1.5 milyong manggagawa ang nawalan ng trabaho bunsod ng mga restriksiyon at lockdowns.
Ang bagay na ito ay inilahad ni Trade Sec. Ramon Lopez sa ginanap na "Laging Handa Public Briefing" noong Huwebes. Sinabi niya na isang porsiyento ng Gross Domestic Product (GDP) ay nasayang sa reimplementasyon ng ECQ sa loob ng dalawang linggo (Marso 29-Abril 11).
Ganito ang badya ni Lopez: " Sa dalawang linggo, ang aming tantiya ay nawalan tayo ng isang porsiyento ng ating GDP. Kung ang ating bansa ay may P18 trilyong GDP, may P180 bilyon ang nawala sa ekonomiya."
Ayon sa Kalihim ng Kalakalan, ang kanyang departamento ay naghihintay pa ng tinatawag na across the board labor force survey. "Bago ang ECQ, ang unemployment rate ay ibinaba sa 4.6 porsiyento, pero sa tantiya namin, may 1.5 milyong manggagawa ang apektado ng ECQ. Sa pagpapairal ng MECQ, inaasahan naming may 500,000 manggagawa ang maibabalik sa trabaho."
Nagpaplano ang Trade Department na isulong ang muling pagbubukas ng mas marami pang industriya upang magkaroon ng trabaho ang mga Pilipino. Iginiit niyang ang mga workplace o lugar ng trabaho ay hindi superspreader ng Covid-19 virus. Batay daw sa pag-aaral, ang mga lugar ng trabaho ay hindi nakapaghahawa ng virus kundi 20 porsiyento lamang ang nagkakaroon ng Covid-19.
"Contraction of the virus happens in the communities, households, transportation and the spike of non-essential activities and gatherings, not in the workplaces. That's why we suggest that those activities should continue to be barred when we are already in the GCQ," ani Lopez.
Naniniwala siya na maaaring maisulong ang General Community Quarantine (GCQ) sa susunod na mga linggo. Si Lopez ay miyembro ng Duterte administration's economic team. May posibilidad ang paglipat sa GCQ mula sa MECQ kung bababa ang bilang ng mga kaso ng Covid-19. Habang sinusulat ko ito, patuloy pa sa pagdami ang bilang ng tinatamaan ng coronavirus. Talagang dapat panatilihin at sundin ng ating mga kababayan ang mga simpleng protocol sa kalusugan na lagi nang ipinaaala sa atin ng DOH.
Laging sundin natin ang mga patakaran para sa mabuting kalusugan at pag-iwas sa Covid-19. Hanggang ngayon ay ayaw tumigil sa pananalasa ang damuhong virus na ito, at hanggang ngayon ay hindi pa ganap na maampat at masawata ng mga bakuna na gawa ng mga eksperto at dalubhasa sa medisina at siyensiya, ang bagsik ng lason ng Covid-19!