ni Mary Ann Santiago

Magpapatayo ang Manila City government ng isang pagamutan na eksklusibo lamang para sa mga pasyente ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ayon kay Manila Mayor Isko Moreno, ito ang magiging ikapitong pagamutan sa lungsod at tatawagin itong ‘Manila COVID-19 Field Hospital’.

Inaasahang maitatayo ito sa loob ng dalawang buwan at makatutulong upang ma-declog ang anim na city-run hospital sa lungsod at mailaan ang COVID bed allocation ng mga ito para sa mga may malalala at kritikal na kondisyon at maging intensive care units (ICUs).

National

Nasa 18M graduates ng high school noong 2024, hindi 'functional literate'

Sinabi ng alkalde na itatayo nila ang ‘Manila COVID-19 Field Hospital’ sa isang 2.6-hektaryang lote at magkakaroon ng kabuuang 336 COVID beds para sa mga pasyenteng may mild at moderate cases.

Nitong Sabado, personal nang binisita nina Moreno at Vice Mayor Honey Lacuna ang site para sa field hospital, na gawa sa containers na iko-convert bilang hospital areas.

Itatayo ito sa Burnham Green area na katapat ng Quirino Grandstand at nakaharap sa kalsada na nagsisilbing parade grounds kung may national events at kung saan matatagpuan din ang libreng drive-thru swabbing center ng lokal na pamahalaan.

Nag-brain storming rin sina Moreno at Lacuna doon kasama sina city engineer Armand Andres, city architect Pepito Balmoris at iba pang concerned city personnel para plantsahin ang plano at lahat ng mga kakailanganin para sa bagong ospital.

Ayon kay Andres, nais ni Moreno na magsagawa ng round-the-clock na trabaho dahil mahalaga aniya ang oras.

Hindi kasi nagustuhan ng alkalde ang mga natanggap na ulat na may ilang pasyente ang namamatay sa mga tent at sa parking lot, dahil walang mapagdalhang pagamutan sa kanila.

Nais rin aniya ng alkalde na matiyak na ang itatayong field hospitals ay kumpleto sa lahat ng mga kakailanganing pasilidad.

Sa ilalim ng plano, lahat ng asymptomatic patients ay mananatili pa rin sa quarantine facilities sa lungsod, habang ang mga may mild at moderate symptoms naman ay ia-admit sa field hospital habang ang mga may severe at critical conditions ay sa mga city hospitals aasikasuhin.

Sinabi ni Moreno na ang naturang ideya ay kinopya niya sa ginawa ng Italya, kung saan ginawa ng arkitekto na ‘open source’ ito upang maaaring gayahin ng iba pang mga bansa.

Nabatid naman na nakipag-usap na rin sina Moreno at Lacuna sa mga opisyal ng Philippine General Hospital (PGH), sa pangunguna ni Director Gap Legaspi, at kinonsulta sila hinggil sa proyekto.

Ani Moreno, titiyakin rin nilang ang field hospital ay kumpleto sa mga ambulansiya, kaukulang mga equipments at medical frontliners, dahil kahit aniya ang mga pasyenteng mayroong moderate symptoms ay maaaring lumala at maging severe cases kung hindi maaasikasong mabuti.