ni MARY ANN SANTIAGO
Inihayag ni Department of Education (DepEd) Secretary Leonor Briones na posibleng masimulan na sa Hunyo ang COVID-19 vaccination sa mga public school teachers at personnel sa bansa.
Ayon kay Briones, kailangang protektado ang mga guro laban sa COVID-19 lalo na at sa mga susunod na buwan ay marami na silang nakahanay na aktibidad.
“Siguro, mga June ito (vaccination) mag-umpisa. Kasi, by that time, mag-start na ang enrollment, marami nang activities sa [mga] eskuwelahan. Saka, kailangan protektado ang mga teacher,” ani Briones, sa isang news briefing.
Sinabi ni Briones na dati umano ay mahigit isang milyong guro at support staff ang nakaiskedyul na babakuhan laban sa COVID-19 ngunit ngayon 791,000 na lamang ang mga ito.
Ipinaliwanag naman ni Briones na nabawasan ang bilang ng mga babakunahan dahil may ilan sa kanila ang una nang naturukan ng bakuna nitong mga nakalipas na araw, dahil sa pagiging bahagi ng iba pang priority groups, gaya ng senior citizens at mga people with comorbidities.
Kasabay nito, nilinaw rin naman ng kalihim na hindi na kailangan pa ng mga guro na magparehistro para sa bakuna dahil mayroon naman nang listahan ang DepEd para sa vaccination program.
Matatandaang noong nakaraang linggo, inianunsiyo ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases na ang mga teaching at non-teaching personnel ng mga paaralan ay itinaas sa COVID-19 vaccination priority list ng pamahalaan.
Mula umano sa B1 cluster ay naging A4 na ang mga ito.