ni MARY ANN SANTIAGO

Hinihikayat ni Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo ang mga pari sa Archdiocese of Manila na magtayo na rin ng community pantry, kung saan maaaring mag-donate ng mga pagkain ang mga taong may kakayahan at kumuha naman ng libre ang kahit na sinong nangangailangan ng pagkain.

Ikinatuwa ni Pabillo ang naturang proyekto dahil makikita, aniya, rito ang pagtutulungan ng mga mamamayan upang maibsan ang paghihirap ng kapwa ngayong nananatili pa rin ang banta ng COVID-19 pandemic.

Ayon kay Pabillo, ito ay isang konkretong hakbang na nagpapakita ng pagiging bukas-palad ng mga Pinoy sa pangangailangan ng kapwa.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

“We commend the initiative of the community pantry kasi ito po ay nagpapakita ng pagtutulungan. It's a very good way of spreading generosity and bayanihan among us,” paliwanag pa ni Pabillo, sa panayam ng church-run Radio Veritas.

Matatandaang kamakailan ay may isang taong mabuting puso ang nagpasimula ng Maginhawa Community Pantry sa Maginhawa St., Quezon City kung saan maaaring maglagay ang sinumang may kakayahan at nais tumulong, ng iba't ibang uri ng pagkain tulad ng bigas, gulay, de lata at iba pang pangunahing pangangailangan.

Maaari namang kumuha ng pagkain doon ang mga taong nangangailangan nito.

May kalakip din namang paalala ang community pantry na 'Magbigay ayon sa kakayahan, kumuha batay sa pangangailangan.'

Nag-viral online ang naturang adbokasiya na agad lumaganap hindi lamang sa Metro Manila kundi sa buong bansa.

Kaugnay nito, nagpaalala naman si Pabillo sa mga mamamayan na kumuha lamang ng sapat upang mabigyan ng pagkakataon ang iba na magkaroon ng pagkain sa kanilang hapag-kainan.

“Hinihiling lang natin na we get what we need for that day believing that God will provide for another day. Iwasan po ang hoarding na pansarili lamang,” aniya pa.

Naniniwala si Pabillo na kung mas maraming mga community pantries sa buong bansa mas higit na pansamantalang matutulungan ang mamamayan sa pang araw-araw na pangangailangan.

Dahil dito hinimok ni Pabillo ang mga parokya sa arkidiyosesis lalo na ang mga Basic Ecclesial Communities (BEC) na tularan ang magandang inisyatibo.

“Dito sa Manila ini-encourage ko po ang mga pari, ang mga parokya o sa pamamagitan ng mga BECs na makiisa sa ganitong initiative; it's a good way of spreading this bayanihan among us,” aniya.