ni Beth Camia
Pinagpapaliwanag ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang Local Government Unit (LGU) ng San Jose del Monte, Bulacan dahil sa pagpapapirma ng waiver sa mga benepisyaryo ng ₱1,000 ayuda.
Ayon kay DILG Spokesperson Usec. Jonathan Malaya, bineberipika na nila ang reklamong ito.
Aniya, walang nakasaad na pipirma ng waiver sa inilabas na Joint Memorandum Circular ng DILG at ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa pamamahagi ng ayuda.
Maliban dito, wala rin aniyang ganitong kondisyon sa executive order na inisyu ng Mayor ng San Jose del Monte.
"Amin pong kinukumpirma itong report na ito kung totoo nga na may waiver. Hinihintay po namin ang paliwanag ng San Jose Del Monte. Kung totoo ito bakit sila nag require ng waiverbecause as i said, wala nga po sa joint memorandum circular #1 ang waiver at wala rin po doon sa executive order na inisyu ng mayor ng San Jose Del Monte," pahayag ni Malaya.
Nauna nang sinabi ni Atty. Elmer Galicia, City Legal Officer ng San Jose del Monte, na ang waiver ay patunay lamang na natanggap ng benepisyaryo ang ayuda at boluntaryo lang din ito.