Ni Bert de Guzman
Kung si retired Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio ang paniniwalaan, dapat isagawa ng Pilipinas ang mga karapatan nito na magtayo ng mga estraktura (structures) sa Exclusive Economic Zone (EEZ) nito sa West Philippine Sea (WPS) upang mapigilan ang mga dayuhan sa pagpasok at pag-okupa sa mga reef at isla.
Suportado ni Carpio ang panukala ng American technology and research company na Simularity para ang Pilipinas ay magtayo ng mga outposts sa loob ng di-okupado unoccupied features nito sa WPS.
“Ito ay epektibo dahil sinabi ng Arbitral Tribunal na meron tayong EEZ at sa loob ng EEZ, tanging ang coastal state o ang Pilipinas ang puwedeng magtayo ng structures, artificial structures, at dapat ma-exercise ang gayong karapatan" ani Carpio sa isang interview.
Sa desisyon ng international arbitral sa The Hague noong 2016, idineklara na ang China’s nine-dash claim sa halos kabuuan ng South China Sea, kabilang ang WPS, ay imbalido at walang batayan. Batay sa desisyon, nilabag ang soberanya ng Pilipinas at karapatan ng mga Pilipino na mangisda at ma-explore ang resources sa WPS. Tinanggihan ng Beijing ang kapasiyahan ng international court.
Sa isang online forum, sinabi ni Liz Derr, CEO at co-founder ng Simularity, na ito ay magagawa sa pamamagitan ng pagtatayo ng lighthouses at monitoring stations nang hindi makasisira sa ecology. Ang Vietnam, ayon kay Derr, ay nagawa ito nang hindi nagpo-provoke ng digmaan sa dambulang China. Puwede ring gawin ito ng PH.
“There are many unoccupied features within the Philippine EEZ. They are basically sitting there for the taking,” ani Derr, kasabay ang paghimok sa Pilipinas na paigtingin pa ang pagsisikap para masigurong wala nang mga feature o reef at isla na ookupahan ng China.
Nire-require ng 2002 Declaration on the Conduct of Parties in the South China Sea ang lahat ng signatories, kabilang ang PH at China, na humanap ng mapayapang resolusyon sa mga sigalot para mapanatili ang regional stability. Kabilang dito ang pagbabawal sa pagtatayo at pag-okupa sa unoccupied features o mga reef at isla na walang nakatira o nakaokupa maliban sa may EEZ nito.
Iginiit ni Carpio, na maaaring magtayo ang Pilipinas ng mga estraktura sa naturang features na nasa loob ng EEZ, na nakalubog kapag high tide sapagkat idineklara ng arbitral tribunal na ang mga iyon ay pag-aari ng Pilipinas.
Kung ganoon, dapat kumilos at kumibo ang mga lider ng ating bansa. Huwag matakot sa giyera dahil hindi naman intensiyon ng Pilipinas na makipagdigmaan. Nais lang nating ipaalam sa mga dayuhan, partikular sa China, na ang West Philippine Sea ay teritoryo ng ating bansa.