ni Danny Estacio

Mahigit sa P3 milyong halaga ng shabu ang nasamsam at naaresto ang dalawang pinaghihinalaang mga drug dealer ng mga operatiba ng pulisya noong Biyernes ng hapon, Abril 16, sa Barangay Calumpang, Tayabas City sa Quezon Province.

Kinilala ng pulisya ang mga suspek na sina Edwin Tan Luistro, alyas Edwin, 50, grader operator, at Nolly Añoso Batoto, 52, driver, at kapwa residente ng Catanauan Quezon.

Habang nakumpiska ang shabu na tumitimbang na 155.85 gramo at tinatayang may street value na P3,179,340.00.

Probinsya

Student-athlete, pumanaw matapos ang boxing match

Ang ebidensya ay isinumite sa Quezon Provincial Crime Laboratory Office upang matukoy ang tunay na timbang, ayon sa ulat ng pulisya.

Nabatid na ang City Drug Enforcement Unit at intelligence operatives ay nagsagawa ng isang drug buy-bust operation laban sa mga suspek at isang police, kasama ang impormante ay nakabili ng shabu mula sa mga suspek.

Kaagad na nahuli si Luistro, subalit si Batoto ay nakatakas sakay sa kanyang Nissan Navarra na may conduction sticker F4 J114, ngunit hinabol ito ng mga back-up at alert team ng pulis hanggang nasukol at naaresto.

Nakuha sa pag-iingat ni Batoto ang may 103.50 gramo ng shabu na may halagang P2, 111.400.00.

Nasamsam naman kay Luistro ang 48.76 gramo na may halaga P 994,704.00.

Paglabag sa Seksyon 5 at 11, Artikulo II ng RA 9165 ang kasong isasampa laban sa mga suspek sa Office of the City Prosecutor, dito.