Ni Edwin Rollon

ASAHAN ang balasahan at matinding pagbabago sa aspeto ng technical, officiating at liderato sa Chooks-to-Go Vismin Pilipinas Super Cup.

Ito’y matapos magpalabas ng desisyon ang Games and Amusements Board (GAB) nitong Linggo na suspindihin muna ang nakatakdang Mindanao leg ng kauna-unahang professional basketball league sa South sa gitna nang kontrobersya sa Visayas leg na kinasangkutan ng ARQ Lapu-Lapu City at Siquijor nitong Miyerkoles sa Alcantara Civic Center.

"We are in the process of investigation and seriously looking into the allegations of wrong doing. The board would like to further observe the on-going Visayas leg before giving a go signal for the other," pahayag ni GAB Chairman Baham Mitra sa inilabas na media statement.

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

Nitong Sabado, masinsin na nakipag-usap ang mga team owners ng kasalukuyang Visayas leg at napagkasunduan ang ilang mahahalagang aspeto para sa ikagaganda ng liga at maiwasan na maulit ang kaganapan.

"Our Mandate is to ensure the integrity of professional sports/welfare of players and were doing just that,” ayon sa dating Palawan Governor at Congressman.

“In the meantime, GAB is reviewing the official reports of its field officers in the bubble and that of the League to determine the administrative liability of the licensees as well as the possibility of proceeding with criminal charges if warranted by the circumstances.

Malugod namang tinanggap ni VisMin Chief Executive Officer Rocky Chan ang naging desisyon ng GAB at nanganko na tutupdin ang mga naunang kasunduan para sa liga na makapagpatuloy para mabigyan ng kabuhayan ang mga kababayang Pinoy sa gitna ng kinakaharap na pandemic.

“We will abide by the decision of GAB. Yung mga naunang napagkasunduan during team owners meeting, sinisiguro po namin na susundin namig ito alang-alang sa liga, sa sports na pinakamamahal natin at sa players, officials at personnel na nabigyan natin ng trabaho sa liga,” pahayah ni Chan.

“Umaasa po kami na maisasaayos namin ang lahat. Talagang may nahalong masamang bunga sa liga pero sinasabi po namin na maraming players natin ang matitino at naghahanap-buhay lamang para sa kanilang pamilya,” sambit ni Chan.

Ang Mindanao leg na lalahukan ng 10 koponan ay nakatakdang magbukas sa Mayo 20.

Kagyat na nagsagawa ng imbestigasyon ang liga matapos maging tampulan ng usapan sa social media ang laro ng ARQ at Siquijor na tila ‘game-fixing’ kung saan sadya at kusang isinasablay ng mga players ang libreng tira at maging free throw. Natapos ang halftime sa 27-13 lamang ang ARQ, ngunit hindi na natuloy ang laro bunsod ng power interruption.

Pinatawan ng banned ang buong Siquijor team at pinagmulta ang mga players at coaching staff, habang suspindido ang ilang players ng ARQ at pinagmulta tulad ng buong coaching staff.

“Mahirap patunayan ang game-fixing, pero sa klase ng kanilang paglalaro, talagang nababoy ang laro. Hindi ito akma para sa mga professional at tunay na nagmamahal sa sports kaya kagyat na kaming nagdesisyon,” sambit ni C han.

Nagsasagawa naman ng hiwalay na imbestigasyon ang GAB upang matukoy kung dapat nang bawian ng lisensya ang mga sangkot na players at officials.