ni Mary Ann Santiago

Ipinagpaliban ng Department of Transportation (DOTr) ang petsa ng pormal na inagurasyon ng Light Rail Transit Line 2 (LRT-2) East Extension Project na dapat ay isasagawa ngayong buwan.

Ayon sa DOTr, sa halip na Abril 26 ay sa Hunyo 23 na lamang isasagawa ang inagurasyon bunsod na rin ng kasalukuyang COVID-19 situation sa bansa.

Sa halip namang inagurasyon, magsasagawa na lamang ang LRT-2 ng operational trial run sa Abril 26.

Probinsya

Public school teacher, arestado sa drug buy-bust operation!

Sinabi ni DOTr Undersecretary for Railways TJ Batan na napagkasunduan nila sa isang pulong bago ang Mahal na Araw na ilipat ng petsa ang inagurasyon upang maprotektahan ang kalusugan at kaligtasan ng rail workers at maging ng commuters.

Maliban dito, hindi rin aniya nakapunta sa trabaho o nakapasok ng Pilipinas ang foreign rail experts na mag-aasikaso ng final stages ng installation, testing, at commissioning works sa proyekto dahil sa ipinatutupad na restrictions.

Matatandaang noong Marso 29 hanggang Abril 11 ay inilagay sa enhanced community quarantine (ECQ) ang NCR Plus areas, na binubuo ng Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal, dahil sa pagtaas ng kaso ng COVID-19.

Sinabi naman ni Batan na excited na silang makita ang pagtatapos ng proyekto ngunit mas mahalaga aniya na matiyak rin ang kaligtasan at kalusugan ng lahat.

“Excited po tayo na makitang matatapos na itong long-delayed na proyekto na nag-umpisa pa nuong 2012, pero mahalaga din po na lahat tayo ay ligtas, malusog, at higit sa lahat, buhay,” aniya pa.

Nabatid na noong Pebrero 28, 2021 ay nasa 96.51% na ang overall progress ng LRT-2 East Extension Project, habang ang construction phase ay nasa 94.03%.

Inaasahan namang makukumpleto na rin maging ang final stages ng installation, testing, at commissioning para sa Overhead Catenary System (OCS), power systems, at signaling ng East Extension line na naapektuhan ng COVID-19 restrictions.

Sa ilalim ng proyekto, bubuksan ang Marikina Station at Antipolo Stations ng LRT-2, na inaasahang magseserbisyo sa mga commuter mula Recto, Maynila patungong Masinag, Antipolo, at pabalik.

Kumpiyansa ang DOTr na makatutulong ito upang mapabilis ang travel time sa pagitan ng Maynila at Antipolo ng hanggang 40-minuto na lamang, mula sa dating tatlong oras na biyahe sa bus o jeep.

Makatutulong din ito para madagdagan ang kapasidad ng LRT-2 ng 80,000 pasahero kada araw.