KUMPIYANSA si Games and Amusements Board (GAB) Chairman Abraham ‘Baham’ Mitra na mas mapapahalagahan ng VisMin Cup organizers at team owners ang liga sa mga bagong kasunduan na ilalarga at ipatutupad.
Nakipagpulong si Mitra at ilang opisyal ng government sports body para sa professional sports sa mga opisyal at team owners ng Pilipinas VisMin Super Cup nitong Sabado via Zoom.
“Maayos po ang naging talakayan. Nailahad ng mga team owners ang kanilang concerned, ganoon din po kami. Hopefully, malagpasan natin itong naging problema at maging matagumpay ang liga,” pahayag ni Mitra.
Ayon sa dating Palawan Governor at Congressman, tunay na kinikilala ng ahensiya ang ‘self-regulation’ power ng liga, ngunit ang kontrobersyal na yumanig sa bagong pro league sa bansa ay nararapat na resolbahin sa pagkakaisa at pagkilala sa adhikain ng bawat isa.
“Nakapanghihinayang yung ganitong mga isyu, pero maipagpapatuloy natin ito dahil handa ang mga stakeholders na ipatupad ang mga dapat sundin hingil sa regulasyon at kasunduan,” ayon kay Mitra.
Aniya, nakipagkasundo ang mga team owners at opisyal ng liga sa ‘major agreement’ na inaasahang higit na magbibigay ng ipin at kapangyarihan para malupig ng mas maaga ang mga maling gawi na makasisira sa organisasyon.
Ilan sa mga napagkasunduan ay ang mga sumusunod:
1) To police their own ranks and share information of wrong doings, help monitor and report any proposals or attempts of any form of game fixing, subpar performance and the like.
2) For new team owners to come out in media that they are now the new and young crop of entrepreneurs involved in sports.
3) For GAB to conduct a seminar on Code of Conduct of professional athletes/officials and administer Oath.
4) For the league to continue to observe and ensure compliance with health and safety protocols, and to promote and uphold the spirit of professionalism and sportsmanship at all times.
Samantala, inabsuwelto ng liga ang dalawang players ng Siquijor sa parusang ‘banned’.
Matapos ang imbestigasyon, napatunayan na sina Miguel Castellano at Michael Sereno ay wala sa bench nang maganap ang kontrobersyal na laro ng Siquijor laban sa ARQ Lapu-Lapu nitong Miyerkoles. Hindi nakalaro si Castellano dahil sa iniindang injury sa kanang tuhod, habang si Sereno ay hindi nakapasok sa bubble mula ng opening day nitong Abril 9.
"Our doctors here have confirmed that Miguel was really nursing an injury that cost him to miss the game," pahayag ni league Chief Operations Officer Rocky Chan.
Pinag-aaralan pa ang kaso ni Vincent Tangcay na hindi naipasok para maglaro.
"We are also reviewing the other players in the game," ayon kay Chan.
Pinatawan ng banned ang buong Siquijor team nitong Huwebes at pinagmulta ang players at coaching staff bunsod ng "acts dishonorable to the game."