PINATUNAYAN ng E-Gilas Pilipinas na kayang manalo sa dikitang laban matapos walisin ang Mongolia para umusad sa Southeast Asia Conference finals ng FIBA Esports Open III nitong Sabado.

Matapos tambakan ang Mongolia sa unang laro ng kanilang best of 3 semifinals, 95-35, napalaban naman sila ng husto bago naitala ang 64-58 na panalo sa Game 2.

Determinadong makahirit ng rubber match, tumabla pa ang Mongolia sa iskor na 56-56 papasok sa huling minuto ng Game 2.

Ngunit di naman nagpabaya sina Aljon "Shintarou" Cruzin at Rial "Rial" Polog at ibinigay ang panalo sa E-Gilas sa pamamagitan ng mga krusyal nilang baskets.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Si Shintarou na tumapos na may 36-puntos ang nagpalamang ulit sa E-Gilas,58-56 sa kanyang lay-up habang dalawang tres naman ang ipinukol ni Rial sa loob ng huling isang minuto at 40 segundo ng laro upang tiyakin ang panalo.

Tumapos si Rial na may 16 puntos sa Game 2 ng semis na sinundan ni Custer "Custer" Galas na may 10 puntos.

Topscorer din si Shintarou sa Game 1 sa ipinoste nitong 36 puntos bukod pa sa 12 assists kasunod sina Rial na may 24 puntos, 4 assists at 3 steals, Philippe "IzzoIV" Herrero IV na may 15 puntos, 6 rebounds, and 3 steals at Ian "Ian" Santiago na may 8 puntos, 10 rebounds, at 5 assists. Marivic Awitan