ni Jun Fabon
Umaasa ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) na hindi mabahiran ng pulitika ang susunod na PNP Chief at tumalima sa protocols kung saan ang deputy officer ang tunay na ipalit.
Ito rin ang paniwala ng taumbayan na sila ay tapat na paglilingkuran at poprotektahan ng kapulisan sa bansa sa pamumuno ng tunay na Police General na hindi nababahiran ng pulitika.
Bunsod nito, isusumite na ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año kay Pangulong Rodrigo Duterte ang listahan ng mga pangalang posibleng susunod na hepe ng Philippine National Police (PNP) sa katapusan ng Abril.
Aniya, sa katapusan ng buwan ay ibibigay kay Pangulong Duterte ang rekomendasyon kung sino ang magiging susunod na hepe ng PNP, pero itinanggi muna niyang pangalanan ang posibleng makasama sa kanyang listahan.
Sa Mayo 8 nakatakdang magretiro si PNP chief, Gen. Debold Sinas at batay sa seniority at pinakamataas na posisyon ang posibleng humaliling PNP Chief sa PNP command group,
Kasama rito sina Lt. Gen. Guillermo Eleazar, deputy chief for administration; Lt. Gen. Cesar Hawthorne Binag, at Lt. Gen. Joselito Vera Cruz, hepe ng directorial staff.
Samantala, nakatakda ring magretiro si Binag sa Abril 24 habang sa Nobyembre 13 magreretiro si Eleazar.
Sina Eleazar, Binag at Sinas ay kabahagi ng Philippine Military Academy (PMA) Hinirang Class of 1987.