MABIGAT na kaparusahan sa mga sangkot sa game-fixing sa professional sports ang nakapaloob sa House Bill 8870 na inihain ni Deputy Speaker Mikee Romero ng 1Pacman Party-list.

Ayon kay Romero, layunin nito na protektahan ang integridad ng alinmang sport sapagkat nagkalat ang "enterprising individuals who want to make money through manipulation of results of matches."

Naging sentro ng usapin ang matagal nang problema sa game-fixing nang maging kontrobersyal sa social media ang ‘kabalbalang’ laro sa pagitan ng ARQ Lapu-Lapu at Siquijor nitong Miyerkoles sa Visayas leg ng VisMin Super Cup. Ang ligan a nagbukas lamang nitong Abril 9 ang kauna-unahang pro basketball league sa South.

Sumailalim sa imbestigasyon ang lahat ng sangkot at kaagad na pinatawan ng banned ng liga ang Siquijor at pinagmulta ang mga players at coaching staff. Nasuspinde naman ang ilang players ng Lapu-Lapu at pinagmulta, gayundin ang kanilang coaching staff ‘as an act of unsportsmanship’

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Wala pang opisyal na imbestigasyon ang liga hingil sa isyu ng game-fixing habang patuloy pa ang imbestigasyon ng Games and Amusements Board (GAB).

Kung magiging batas, sinabi ni Romero na mapapatawan ng tatlo hanggang anim na taong pagkabilanggo at multang mula P1 milyon hanggang P5 milyon ang mapapatunayang sangkot sa game-fixing.

Ayon kay Romero, ang mga atletang nagpamalas ng kawalang-galang sa sport na malapit sa puso ng mga Pilipino ay nararapat pagmultahin at pagbawalang makapaglaro sa alinmang paligsahan.

“For showing disgraceful acts, the players, staff, officials and persons behind these shenanigans must be severely punished,” sambit ni Romero, team owner ng NorthPort sa PBA.

Bert de Guzman