Ni Martin Sadongdong
Napatay ng mga sundalong elite ng Army ang isang sinasabing Egyptian suicide bomber at dalawang hinihinalang militante ng Abu Sayyaf Group (ASG) na iniugnay sa ilan sa madudugong pag-atake sa Western Mindanao sa isang matinding bakbakan sa Patikul, Sulu nitong Biyernes ng gabi, Abril 16.
Kinilala ni Lt. Gen. Corleto Vinluan Jr., commander ng Western Mindanao Command (WestMinCom), ang napatay na mga suspek na sina alyas Yusop, isa sa limang natitirang mga dayuhang terorista sa Mindanao; Abu Khattab Jundullah alyas “Saddam;” at alyas “Akram.”
Ayon kay Vinluan, ang mga tropa mula sa elite counter-terrorism unit ng militar na 4th Light Reaction Company, ay nagsasagawa ng focused military operations sa Barangay Igasan nang makasalubong nila ang isang grupo ng ASG sa ilalim ng sub-leader at kilalang eksperto sa bomba na si Mudzrimar "Mundi" Sawadjaan bandang 10:45 ng gabi.
Ang yunit ni Sawadjaan ay itinuturong nasa likod ng kambal suicide bombings sa Jolo, Sulu noong Agosto 24, 2020 na pumatay sa 15 katao; at ang Mt. Carmel Cathedral twin bombings noong Enero 27, 2019 kung saan 18 ang namatay.
Isang matinding bakbakan ang naganap na tumagal ng humigit-kumulang sa sampung minuto, sinabi ni Vinluan, hanggang sa mapilitab ang mga kaaway na umatras.
Sinuyod ng tropa ang lugar ng engkwentro nang matuklasan nila ang mga bangkay ng tatlong hinihinalang terorista, sinabi niya.
Sa pagsipi sa mga ulat sa intelligence, sinabi ni Vinluan na si Yusop ay stepson na mga namatay na teroristang Egyptians na sina "Abduramil" at Reda Mohammad Mahmud alyas "Sitti Aiza."
Sinabi ng WestMinCom commanderna si Abduramil ay pinatay ng militar sa sagupaan sa Indanan, Sulu noong Nobyembre 5, 2019 habang namatay si Reda matapos niyang pasabugin ang kanyang sarili sa isang maliwanag na suicide bomb attack sa KM3 detachment unit ng militar sa bayan din ng Indanan noong Setyembre 8, 2019.
Samantala, sinabi ni Vinluan na si Jundullah ay isang bihasang gumagawa ng bomba at kapatid ng yumaong Daulah Islamiyah at miyembro ng Abu Sayyaf Group na si Midi Alih, na napatay sa isang kamakailan lamang na sagupaan sa Sulare Island habang si Akram ay isa sa mga pinagkakatiwalaang tagasunod ni Mundi Sawadjaan .
Bukod sa mga ito, nakakuha rin ng tropa sa lugar ng engkwentro ng isang M653 Carbine rifle, isang M203 granade launcher, at isang R4 Vektor rifle, iba't ibang bala, dalawang bandoliers, at iba pang personal na pag-aari ng napatay na mga kaaway.
Sinabi ni Major Gen. William Gonzales, commander ng Joint Task Force Sulu, na nagpadala ng reinforcements sa lugar upang hanapin ang mga nakatakas na terorista.
“We are utilizing all our air, naval, and ground assets to conduct all-out offensives against the remaining foreign terrorists and Abu Sayyaf Group members in our area of operation,” aniya.
Ang mga bangkay nina Yusop, Jundullah, at Akram ay dinala sa Kuta Heneral Teodulfo Bautista sa Barangay Busbus sa Jolo