ni Bert de Guzman
Inaprubahan ng House Committee on Justice at ng House committee on National Defense and Security sa pamumuno nina Leyte Rep. Vicente Veloso III at Iloilo Rep. Raul Tupas sa magkasanib na pagdinig noong Miyerkules ang mga panukala at resolusyon na naglalayong pagkalooban ng amnesty ang ilang grupo ng mga rebelde.
Pinagtibay ng dalawang komite ang Committee Reports ng House Concurrent Resolutions 12, 13, 14, at 15.
Samantala ang mga panukala na inakda ni Speaker Lord Allan Velasco ay nag-concur sa Proclamation Nos. 1090, 1091, 1092, at 1093, ayon sa pagkakasunod, na may petsang Pebrero 5, 2021, na nagkakaloob ng amnesty sa mga miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF), Moro National Liberation Front (MNLF), Rebolusyonaryong Partido ng Manggagawa ng Pilipinas/Revolutionary Proletarian Army/Alex Boncayao Brigade (RPMP-RPA-ABB), at sa dating mga rebelde ng Communist Terrorist Group (CTG).
Ang mga ito ay nakagawa ng mga krimen na pinarurusahan sa ilalim ng Act No. 3815 o ng Revised Penal Code, at ng special penal laws kaugnay ng kanilang paniniwalang-pulitikal.
Sinabi ni Tupas na ang pagkakaloob ng amnesty sa dating mga rebelde ay mahalagang bahagi ng komprehensibong peace efforts ng gobyerno.
“As the joint committees approve the committee reports for the House Concurrent Resolutions 12, 13 14 and 15, we have taken firm steps in concretizing the peace agenda. We have affirmed the peace process and expressed support to the government’s effort in attaining a just and hopefully sustainable peace for the Filipino people,” ayon kay Tupas.