ni Bella Gamotea
Binalaan kahapon ng Food and Drug Administration (FDA) ang publiko na huwag tangkilikin at gamitin ang pekeng anti-tetanus drug na kumakalat ngayon sa merkado.
Ayon sa inilabas na FDA Advisory No.2021-0682, pinaalalahanan ng ahensya ang mga tao na suriing mabuti ang bibilhing Human Tetanus Immunoglobulin Tetagam® P 1ml (250 IU) Solution for Injection.
Sa pagsusuri ng FDA kasama ang Marketing Authorization Holder (MAH), at Zuellig Pharma Corporation,na peke ang nakuhang sample product base sa naging paghahambing sa ilang katangian o features ng produkto.
Inihayag ng FDA na ang rehistrado at authentic Tetagam ay may kasamang syringe, nakaaad din sa harapan o front panel ng kahon nito ang content na “Pre-filled syringe; 1 ml (250 IU); Tetagam® P; Active ingredient: Human tetanus immunoglobulin; Solution for injection for intramuscular use.; Store at +2 °C to +8 °C. Do not freeze!; CSL Behring GmbH, 35041 Marburg, Germany; CSL Behring.”
Samantalang ang peke naman ayon sa ahensya ay ampoule lang na may blue scored point at sa box ay nakasaad ang “1ml mind./au moins 250 IE/UI; Tetagam® P; Wirkstoff/Agent actif.: Tetanus-Immunglobulin vom Menschen/Immunglobuline humaine tetanique; CSL Behring AG, Bern; CSL Behring.”
“All healthcare professionals and the general public are hereby warned as to the availability of this counterfeit drug product in the market which poses potential danger or injury to consumers. Consumers are also reminded to purchase drug products only from FDA-licensed establishments,” babala ng FDA.
Samantala nagbabala rin ang FDA na papanagutin nito ang mga establisyemento at outlets na nagbebenta ng pekeng produkto sa pamamagitan ng pagsasampa ng kasong paglabag sa Republic Act No. 9711 ( Food and Drug Administration Act of 2009), at Republic Act No. 8203 (Special Law on Counterfeit Drugs).