ni Mary Ann Santiago
May 45 pang karagdagang medical frontliners na kinuha ang Manila City government upang palakasin ang kanilang health care capacity, kasunod na rin nang patuloy pagtaas ng mga naitatalang COVID-19 cases.
Sa kanilang Facebook post, sinabi ng lokal na pamahalaan na ang 40 sa mga health workers ay magtatrabaho sa Ospital ng Maynila Medical Center (OMMC) habang ang lima dito ay magdu-duty naman sa Ospital ng Sampaloc.
Sa OMMC, kabilang sa mga bagong hired na medical frontliners ay limang Medical Specialist (Doctors); 14 na Nurses; 18 na Administrative Aide lll; isang Nursing Attendant, isang Dental Aide at isang Dentist II.
Samantala, ang Ospital ng Sampaloc naman ay nag-hire ng isang Medical Specialist (Doctor) at apat na Nurses.
Kaugnay nito, tiniyak naman ni Manila Mayor Isko Moreno na tuluy-tuloy ang gagawing nilang hiring ng mas marami pang kuwalipikadong medical workers upang tumulong sa panggagamot sa mga residenteng dinapuan ng COVID-19.
Batay sa datos, hanggang 12:00 ng tanghali ng Abril 14. ang Maynila ay nakapagtala na ng kabuuang 50,872 COVID-19 cases, kabilang dito ang 4,291 active cases, 45,586 recoveries at 995 na sinawimpalad na bawian ng buhay.