ni Mary Ann Santiago
Anim na private emission testing centers (PETC) ang sinuspinde ng Department of Transportation (DOTr) dahil sa umano’y pamemeke ng emission test results.
Sa paabiso ng DOTr, nabatid na kabilang sa mga sinuspinde ay ang Jal Emission Testing Center – Roxas, sa Datiles St. Brgy. Tiza Roxas City;JPV Motor Vehicle Emission Testing Center Co-Capiz sa Taft St., Poblacion, Dumalag, Capiz; JPV Motor Vehicle Emission Testing Center -Roxas City, sa Hermingway St., Brgy. Tiza, Roxas City;AJM Emission Testing Center sa McArthur Highway, Sto. Domingo, Angeles City, Pampanga;Thessan Emission Testing Center sa San Roque, Iriga City at JW Private Emission Testing Center sa Sta. Rosa, Bangued, Abra.
Anang DOTr, sa pamamagitan ng kanilang Investigation Security and Law Enforcement Staff (ISLES) ay inisyuhan nila ng preliminary suspension order (Department Order 2016-2017), ang mga naturang PETC matapos na madiskubreng namemeke ang mga ito ng resulta nang isinasagawang emission tests.
Magiging epektibo ang suspensiyon sa mga naturang PETC sa loob ng tatlong buwan o 90-araw.
Kaugnay nito, nabatid na pinadalhan din ng DOTr ng kopya ng suspension order ang mga IT Service Provider ng mga naturang pribadong emission testing centers, at binalaang mahaharap sa kahalintulad na kaparusahan kung babalewalain ang kanilang kautusan at ipagpapatuloy ang pagproseso ng datos na ipinapadala sa kanila ng mga suspendidong PETC.