ni BELLA GAMOTEA
Napasakamay ng Makati City Police ang tatlong drug suspect matapos makumpiskahan ng tinatayang P238, 000 halaga ng hinihinalang shabu sa ikinasang buy-bust operation sa lungsod, nitong Biyernes.
Kinilala ni Col Harold Depositar, hepe ng pulisya ang mga naarestong suspek na sina Jim Gonzales, alyas Brando, 28, at residente sa Barangay Wawa, Taguig City; CJ Manansalay Manguere, alyas CJ, 22, ng Candelaria Street, Quezon Province; at Bienjamin Jeune Virtucio, alyas Bien, binata, ng Bgy. Pitogo, Makati City.
Sa ulat na natanggap ni Southern Police District (SPD) Chief Brigadier General Eliseo DC Cruz, nagsagawa ngbuy-bust operation ang mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit at Station Intelligence Unit sa pangunguna ni Lt Angelo Mendoza kasama ang Sub Station 9 sa kahabaan ng Sampaguita St., Bgy. Pembo sa Makati City na ikinaaresto ng tatlong suspek dakong 3:50 ng hapon.
Binentahan umano ng mga suspek ng umano’y droga sa halagang P17, 000 ang isang police poseur buyer sa lugar na sanhi ng kanilang agarang pagkakatiklo.
Nasamsam sa tatlong suspek ang anim na pakete na naglalaman ng 36 gramo ng hinihinalang shabu shabu; isang black Chevrolet car na may plakang AAI 3167; susi ng kotse;isang leather sunglass case; isang pirasong genuine P1,000 bill at P16,000 na boodle money na ginamit na buy-bust money.
Dinala ang mga nakumpiskang ebidensiya sa SPD Crime Laboratory upang suriin.
Sasampahan ang tatlong suspek ng kasong Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 sa Makati Prosecutor’s Office.