Ni Edwin Rollon

MALUPIT ang naging hatol ng pamunuan ng Pilipinas VisMin Super Cup sa kabalbalan na ginawa ng mga players ng Siquijor Mystics at ARQ Builders-Lapu Lapu City sa kanilang laro na naging mainit na usapin sa social media nitong Miyerkoles.

Matapos ang mahigit isang oras na pagpupulong at pag-reviewed sa naturang laro na naipalabas via livestream sa lahat ng social media account ng liga, kabilang na ang Facebook at Youtube, ipinataw ni league Chief Operations Officer Rocky Chan ang pagpapatalsik sa Siquijor, gayundin sa mga players nito bunsod ng "disgraceful acts to the sport we love the most."

Pinatalsik sa liga sina Joshua Alcober, Ryan Buenafe, Vincent Tangcay, Jan Penaflor, Gene Bellaza, Michael Calomot, Frederick Rodriguez, Jopet Quiro, Isagani Gooc, Miguel Castellano, Juan Aspiras, Peter Buenafe, at Michael Sereno, gayundin ang kanilang head coach na si Joel Palapal at buong coaching staff.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Inalis na rin sa record ng liga ang mga laro ng Siquijor. Nabigo ang Mystics sa KCS-Mandaue sa opening day nitong Abril 9 bago nagwagilaban sa Dumaguete sa sumunod na laro.

Pinatawan din ng kaukulang suspension at multa ang ilang players at coaching staff ng Lapu-Lapu City.

Suspindido sa buong season at pinatawan ng multang P15,00 si Rendell Senining, tumira sa free throw ng kaliwa’t kanan na pawang sablay. Suspindido naman sa buong first round ng liga sina Hercules Tangkay, Reed Juntilla, Monbert Arong, Dawn Ochea, at Ferdinand Lusdoc, gayundin si head coach Francis Auquico. Pinagmulta rin angmga players ng tig-P15,000, habang P30,00 si Auquico.

Pinagmulta naman ng tig-P20,000 ang coaching staff ng Lapu-Laput na sina assistants Jerry Abuyabor, Alex Cainglet, John Carlo Nuyles, Hamilton Tundag, at Roger Justin Potpot.

"This is a clear statement of the Pilipinas VisMin Super Cup. Any deliberate actions by any player and coach is not tolerated in this league. If ginagawa nyo po ito sa ibang liga, wag nyong gawin dito sa VisMin Super Cup,” pahayag ni Chan sa livestream media call nitong Huwebes.

Ayon kay Chan, maglalabas din ng memo ang liga para sa nalalabing anim na koponan sa Visayas leg at 10 koponan sa Mindanao na parusang ‘banned’ at multang P100,000 ang kaparusan sa sinumang gagawa ng kabulastugan tulad ng Siquijor.

"Itinayo namin ang liga na ito to provide a livelihood to players, coaches, utilities and other people behind. Sana wag nating sirain because of the sacrifice that we’ve made is not that easy," said Chan.

"Wag natin babuyin ang basketball na pinkamamahal ng Pinoy,” aniya.

Dismayado ang basketball community matapos mainit ang mainit na talakayan sa social media bunsod nang ginawa ng mga players na dungis sa sports.

Nauna nang nagpahayag si Chook-to-Go president Ronald Mascarinas na mapipilitan ang kompanya na bawiin ang suporta sa liga kung mananatili ang kawalan ng respeto ng mga players sa sports.

Nagsasagawa rin ng hiwalay na imbestigasyon ang Games and Amusements Board (GAB) para matukoy kung nararapat na bawiin ang mga lisensya sa mga sangkot na players at officials.