Nawala sa pagpapalit mula Enhanced Community Quarantine (ECQ) patungong MECQ sa NCR-Plus bubble ang kambal na hakbang ng pamahalaan upang matugunan ang epekto ng African swine fever (ASF) na labis nang nakaapekto sa suplay ng karneng baboy, isa sa pangunahing pagkain ng pamilyang Pilipino.
Ayon sa Food and Agricultural Organization, ang ASF ay isang nakahahawang sakit na nakaaapekto sa mga baboy na may fatality rate na umaabot ng 100 porsiyento.
Mataas na insidente ng ASF ang nangyari sa 37 mula 81 probinsiya sa bansa na sumasakop sa buong Luzon, Davao region, at mga probinsiya ng North Cotabato, Sarangani at Northern Samar, na humantong sa pagkaparalisa ng suplay ng karneng baboy.
Bilang tugon, isang executive order ang nagpatupad ng 60-araw na price ceiling sa karneng baboy na natapos nitong Abril 8. Sa pagtanggal ng price ceiling, ang suggested retail price (SRP) para sa imported pork kasim ay itinakda sa ₱270 kada kilo at para sa imported pork liempo, ₱350 kada kilo.
Bago magpahinga ang Kongreso nitong Marso 26, sumulat ang Office of the President upang hingin ang pag-apruba ng pagtataas ng minimum access volume (MAV) para sa pag-aangkat ng produkstong baboy. Hindi na ikinagulat, bigo ang Kongreso na maaksyunan ito sa loob ng itinakdang 15-araw sa pagpasok nito sa recess. Ipinalagay na aprubado na ang executive action, na nagpahintulot sa pamahalaan na ituloy ang pag-angkat ng baboy.
Kagyat, naglabas si Pangulong Duterte ng Executive Order No. 128 na nagpababa sa kasalukuyang buwis sa pag-aangkat sa limang porsiyento, mula 30 porsiyento para sa import kasama ang MAV; at 15 porsiyento, mula sa 40 porsiyento para sa out-quota imports, sa loob ng unang tatlong buwan ng isang taong pagpapatupad nito. Sa ikaapat hangang ika-12 buwan, itataas ang taripa hanggang 10 porsiyento at 20 porsiyento, sa pagkakasunod.
Isinusulong ng Department of Agriculture na maitaas ang MAV para sa pork importation mula sa kasalukuyang 54,210 MT patungong 404,210 MT — nakalululang walong beses na pagtaas—para umano mapunan ang kakulangan sa baboy at mabawasan ang lumulobong presyo ng bilihin.
Kinuwestiyon ni Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) Chair Rosendo So ang hakbang na ito ng gobyerno. “Increasing the MAV to 400 million kilos of pork is equivalent to eight million pig heads, and is way above the current inventory of our backyard hog raisers at 6.9 million heads,” aniya, sa pagbibigay-diin na “the pork shortfall can be imported at the current tariff level and MAV allocation without any additional burden to importers, as the current tariff rates already provide profits of 200 to 250 pesos per kilo for importers.”
Kontra rin si House Speaker Lord Allan Velasco sa pagluluwag ng pag-aangkat, lalo’t maaari itong magdulot ng oversupply hindi lamang sa Luzon, ngunit gayundin sa Visayas at Mindanao na may sapat namang suplay ng karneng baboy. Pinangunahan naman ni Senate President Vicente Sotto III ang kanyang mga kasamahan sa pagpapahayag ng kanilang pangamba na ang pagbaba ng taripa ay magpapaliit sa
tax revenues at line private pockets.
Sa gitna ng mga oposisyon at pangamba na inihayag ng mga lider ng Kongreso, karapatan ng publiko na maunawaan ang katwiran para sa kinukuwestiyong desisyon.