ni Bert de Guzman
Sinabi ni Vice President Robredo na tumanggap ng parangal mula sa PeopleAsia magazine bilang isa sa People of the Year awardees, na ang karangalang ito ay para sa staffers, donors, at volunteers na tumutulong sa kanya sa paglaban sa COVID-19 pandemic.“It’s an honor for me to accept this award, but the truth is this is not for me but for all the people who trusted and continue to trust the work being done and the advocacy being pushed by the Office of the Vice President,” ani Robredo sa ginanap na virtual awarding ceremony noong Lunes ng gabi.
Mula sa mga donor at volunteer, masisipag na staff na patuloy sa pagtatrabaho, napatunayan natin na hindi puwedeng magtagumpay nang nag-iisa. "Our journey towards being a more responsive, more advocacy-driven office, geared towards uplifting the lives of our people, could only have been made possible through a vast constellation of efforts,” anang Bise Presidente.
Tiniyak ni Robredo na siya at ang pangkat niya sa OVP ay patuloy na magtatrabaho kasama ang mga tao para sa kabutihan ng lahat.
Batay sa mga dokumento na ni-release ng OVP noong Disyembre, nakapagbigay ito ng P505.3 milyong tulong para sa COVID-19 response at P35.06 milyon para sa disaster relief operations, kabilang ang ayuda sa pagsabog ng Taal Volcano at mga pagbagyo noong nakaraang taon.
Para sa pandemic response, ang P306.3 milyon ay galing sa pondo ng OVP samantalang ang P199 milyon ay mula sa mga donasyon ng private sector partners.
Karamihan sa mga pondo na inilaan para sa pandemic response ay napunta sa medical assistance na nagkakahalaga ng P206.7 milyon. Ang sumunod ay mga pondo para sa personal protective equipment mula sa local at imported manufacturers na nagkakahalaga ng P64.07 milyon at coronavirus testing kits na nagkakahalaga ng P56.84 milyon.