SA nararanasang kagipitan ng mga negosyo, pagbabawas ang isa sa alternatibo upang masiguro ang pagpapatuloy ng negosyo. At sa anumang pagpapaliit, kalimitang unang apektado ang mga tao.
Ngayong panahon ng pandemya, libu-libo kundi man milyon ang mga manggagawa na na-lay off at marami pa rin ang patuloy na nare-retrenched sa patuloy na pagbabawas ng mga kumpanya upang makatipid ng gastos sa payroll dahil sa pinansiyal na kagipitan.
Bagamat pinahihintulutan ng batas ang pagbabawas, hindi madali ang pagpapatupad nito para sa bahagi ng natanggal at ng mabuting employer. Isa itong mabigat sa kalooban na proseso.
Kailangan mamili ng management kung sino ang unang aalis, ito man ay sapilitan o boluntaryo. Isa sa bentaha ng compulsory retrenchment ay isa itong magandang pagkakataon upang tanggalin ang mga kalimitang “deadwood” o walang pakinabang sa kumpanya: mga tamad, madalas na absent at palaging late sa trabaho, magulo, at marami pang uri ng pabaya.
Kailangang may makatwirang posisyon ang management sakaling sumangguni sa korte ang mga natanggal. Ang pamantayan sa pagtatanggal ng mga ganitong tao ay dapat na nakabase sa kanilang kabisaan sa usapin ng pagganap, produktibidad, mahabang serbisyo at seniority.
Maaaring kuwestiyunin ng empleyado na nakaramdam ng pagka-agrabyado ang kanilang pagkatanggal sa pagdulog sa labor court. Kung madala ang usapin sa korte, magastos din ito para sa isang naghihingalo nang kumpanya.
Maraming kumpanya ang natatalo sa labor case dahil sa pagkabigo na pangatwiranan ang resonableng pamantayan para sa pagtanggal. Kaya naman, kailangang siguruhin ng mga nasa HR na makapagpi-prisinta ang management ng kumpanya ng solidong dahilan na papasa sa legal na pagsisiyasat. Ang pagpapanatili ng isang mapagkakatiwalaang performance evaluation system na nagkakaloob ng regular na assessment kung gaano kahusay o kahina ang nagiging pagganap ng isang empleyado sa kanilang trabaho ay tiyak na makatutulong sa kumpanya sakaling ang desisyon nito ay hamunin sa isang labor tribunal.
Bolutaryo o opsyonal na pagreretiro ang isa pang opsyon. Ang panganib sa pagsubok ng ganitong opsyon ay ang posibilidad na mawala ang mahuhusay na tao at mga “high performers” na pipiliin na tanggapin ang kanilang retirement pay at madaling makapapasok sa ibang kumpanya, o malala, pagbabawas sa kalabang negosyo ng kumpanya.
At maiiwan sa kumpanya ang mga pabaya na pipiliing manatili dahil maliit lamang ang kanilang tiyansa na makakuha ng ibang trabaho.
Matapos ang pagbabawas, kailangan pa ring harapin ng kumpanya ang ilang isyu tulad ng pagbaba ng morale ng mga naiwan, reallocation ng trabaho para sa mga naiwan, muling pagsasanay at pag-a-adjust ng suweldo. Ang isang mabuting kumpanya ay hindi lamang nagbibigay ng tamang separation pay, may responsibilidad din ito na tulungan ang mga na-lay off upang makaya ang post traumatic stress na kalimitang nagaganap sa ganitong mga sitwasyon.
Sa huli, ang pagpasok ng mga organisasyon sa opsyon ng pagbabawas sa gitna ng pandemya ay pinakamainam na maipatutupad sa pamamagitan ng isang makatwirang pagtataya mula sa malawak na saklaw ng maaaring kahinatnan nito.