Ni Edwin Rollon

ALCANTARA — Matikas na scoring run ang inilatag ng MJAS Zenith-Talisay City Aquastars sa kaagahan ng laro tungo sa dominanteng 77-57 panalo kontra KCS Computer Specialist-Mandaue City nitong Martes para makisosyo sa maagang liderato sa Visayas leg ng 2021 Chooks-to-Go Pilipinas VisMin Super Cup sa Alcantara Civic Center sa Cebu.

Nailista ni Jaymar Gimpayan ang 25 puntos, mula sa 11-of-13 shooting bukod sa 10 rebounds, isang assist at isang block para sandigan ang Aquastars sa ikalawang sunod na panalo at makisosyo sa ARQ Builders Lapu-Lapu City sa unanahan ng seven-team standings sa kauna-unahang professional basketball league sa South sa pagtataguyod ng Chooks-to-Go at sanctioned ng Games and Amusements Board (GAB).

Nauna rito, nalusutan ng Lapu-Lapu City ang Dumaguete Warriors, 67-57.

Muntik mag-suntukan! Beermen vs Taoyuan, nagkainitan sa PBA-EASL

Nag-ambag si Val Acuña ng 12 puntos, tampok ang dalawang three-pointers sa krusyal na sandali para selyuhan ang panalo ng paboritong MJAS Zenith-Talisay City.

Maagang kumalas ang MJAS Zenith nang maibaba ang 16-0 run sa unang anim na minuto ng laro. Nagawang makabawi ng KCS, ngunit tuluyang lumayo ang Aquastars sa 13-3 run, tampok ang jumper ng homegrown player na si Lugie Cuyos para sa 38-20 bentahe.

Hindi na bumitaw ang Aquastars sa tangang bentahe tungo sa dominanteng panalo.

“Kelangan namin mag focus kasi malakas ang KCS,” pahayag ni MJAS Zenith coach Aldrin Morante. “Hindi kami magkumpyansa sa kanila and good start ang kelangan.”

Nanguna si Al Francis Tamsi sa KCS na may 18 puntos.

Samantala, sumandal ang Tabogon Voyagers sa krusyal na opensa ni big man Arvie Bringas para maungusan ang Tubigon Bohol Mariners, 102-99.

Naisalpak ni Bringas ang pahirapang tira sa lowpost para basagin ang huling pagtabla sa 101-99 bentahe may 56 segundo ang nalalabi sa laro. Sa sumunod na play, nagawang maagaw ni JVoyager wingman Jethro Sombero ang entry pass ni Joseph Marquez tungo sa free throw ni Joemari Lacastesantos para sa 102-99 bentahe.

May pagkakataon pa ang Bohol na maipuwersa ang laro sa overtime, ngunit sumablay ang dalawang pagtatangka ni Mac Montilla sa three-point area para selyuhan ang panalo ng Tabogon matapos ang opening day loss sa MJAS Zenith-Talisay City. Bagsak ang Bohol sa 0-2.

Tumapos si Bringas na may 24 puntos at walong rebounds, habang kumana si Sombero ng 15 puntos at 14 rebounds, isang assist at isang steal. Nag-ambag sina Armel Orquina at Niño Caballero ng 14 at 13 puntos.

Nanguna si Marquez sa Mariners na may 22 puntos, habang tumipa si Jumike Casera ng 14 puntos.

Iskor:

Tabogon (102) — Bringas 24, Sombero 15, Orquina 14, Caballero13, De Ocampo 12, Lacastesantos 7, Delos Reyes 6, Bersabal 6, Diaz 5, Vitug 0.

Bohol (99) — Marquez 22, Casera 14, Cabizares 13, Leonida 12, Llagas 11, Montilla 8, Dadijul 7, Ibarra 4, Tilos 4, Musngi 2, Tangunan 2, Apolonias 0.

Quarterscores: 29-33, 58-62, 81-84, 102-99

MJAS Zenith (77) — Gimpayan 25, Acuna 12, Hubalde 8, Menina 8, Mojica 8, Jamon 4, Villafranca 4, Santos 3, Cuyos 2, Cabahug 2, Eguilos 1.

KCS (57) — Tamsi 18, Mendoza 11, Delator 9, Soliva 6, Octobre 4, Cachuela 4, Mercader 3, Roncal 2, Solera 0, Nalos 0, Exciminiano 0, Bonganciso 0, Imperial 0.

Quarterscores: 23-11, 42-28, 58-43, 77-57.