ni Bert De Guzman
MAGDARAOS ng magkasanib na military exercises ang tropa ng Pilipinas kasama ang daan-daang sundalo ng United States sa susunod na dalawang linggo sa gitna ng lumalalang tensiyon sa South China Sea bunsod ng pagiging agresibo ng dambuhalang China.
Ang taunang war games sa pagitan ng dalawang magkaalyado-- Pilipinas at US-- ay nakansela noong 2020dahil sa pag-iral ng coronavirus pandemic. Ayon kay AFP chief of staff Lt. Gen. Cirilito Sobejana, ang military exercises ngayon ay mas maliit kumpara sa nakalipas na mga taon bunsod ng COVID-19 pandemic.
May 700 US soldiers at 1,300 kawal ng Philippine military ang lalahok sa joint military exercises. "The exercise this year is a hybrid of virtual and physical activities," ayon kay Sobejana. "It's a low-key exercise, just to keep the alliance — the contact — between the two armed forces."
Samantala, hindi agad nagpalabas ng komento ang US Embassy sa Maynila tungkol sa magkasanib na ehersisyong-militar. Ayon sa report, ang pahayag tungkol sa joint military exercises ay lumabas matapos ang ilang oras na mag-usap sa telepono sina US Defense Secretary Lloyd Austin at si Defense Sec. Delfin Lorenzana, na nitong nakaraang linggo ay nagpositibo sa coronavirus.
Sa pahayag ng Pentagon, sinabing tinalakay ng dalawang opisyal ang situwasyon sa South China Sea, at ang pagdagsa ng People's Republic of China maritime militia vessels sa Julian Felipe Reef (Whitsun Reef) na saklaw ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas.
Iminungkahi ni Austin na para mapalalim ang defense cooperation ng PH at US, kailangang mapalakas ang situational awareness sa mga banta sa South China Sea," ayon sa Pentagon readout.
Ang tensiyon sa resource-rich sea ay lalong umigting sapul nang may 220 barko ng China ang naispatan noong nakaraang buwan sa Whitsun Reef (Julian Felipe Reef) na nasa Spratly Islands, na kung saan may hinahabol din o claim ang China, Brunei, Taiwan at iba pa.
Inaangkin ng bansa ni Pres. Xi Jinping ang halos buong SCS, kabilang ang West Philippine Sea (WPS), at patuloy sa pagtanggi sa mga apela ng PH na i-withdraw ang mga barko na ilegal na nakadaong sa dagat na saklaw ng Pilipinas.
Una rito, sinabi ng Beijing na ang mga bapor na naroroon ay pawang fishing vessels na nagkakanlong doon sanhi ng masamang panahon. Tumugon si Lorenzana nang pasarkastiko at sinabing hindi siya tanga para malaman na hindi naman masama ang panahon sa naturang lugar para magkanlong ang mga barkong-Tsina.
Pinaalalahanan ng United States ang China nitong nakaraang linggo na ang Washington (US) ay may treaty obligations sa Pilipinas at kapag ito ay inatake ng alinmang bansa sa kanilang karagatan, ang puwersa-militar ni Uncle Sam ay handang kumilos.