ni Jun Fabon
Tigok ang magkabarkada habang sugatan ang kasama nang pagbabarilin ng dalawang gunmen sa loob ng barung - barong sa Quezon City, iniulat ng pulisya kahapon.
Nakilala ang mga biktima sa pamamagitan ng kanilang mga IDs na sina Menard Donozo, nasa edad 35-40, may taas na 5'4, residente ng 032
Katipunan St., Barangay Commonwealth, at Jhojo Q. Cayubit, 44, at naninirahan sa Jordan St., Freedom Park 5, Brgy. Batasan Hills, Quezon City.
Sina Donzo at Cayubit ay kapwa nagtamo ng mga tama ng bala ng bala sa iba't ibang bahagi ng katawan na kanilang ikinamatay noon din.
Nakaratay at inoobserbahan naman sa East Avenue Medical Center si Alex Rojales Haya, 30, matapos na masapol ng stray bullet sa kaliwang binti.
Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang 11:30 ng gabi kamakalawa naganap ang pamamaril ng dalawang suspek sa barung-barong sa Jordan St., Freedom Park 5, Brgy. Batasan Hills, sa lungsod.
Sa imbestigasyon ni Patrolman Jojo Antonio ng (CIDU-QCPD), sinabi umano ng isang saksi na kapitbahay ng mga biktima na nakarinig siya ng sunud-sunod na putok ng baril mula sa barung-barong ni Cayubit.
Ayon sa pahayag sa pulisya ng saksi, nakita nitong mabilis ng lumabas ng barung -barong ang dalawang armadong lalakin at nang tunguhin niya ang lugar ay tumambad sa kanyang ang bangkay ng dalawa.
Nasamsam sa crime scene ng SOCO team 3 fired catridge cases, (2) deformed fired bullet, (1) tactical knife, assorted barangay ID na nakapangalan kina Cayubit at Donozo, 5 cellphones, isang pulang pouch na naglalaman ng mga lighter, gunting, at isang sachet na walang laman at piraso ng aluminum foil.
Masusi pang iniimbestigahan ng mga awtoridad kung may kinalaman sa
iligal na droga ang motibo sa naganap na krimen.