ni Mary Ann Santiago
Nabakunahan na rin laban sa COVID-19 ang lahat ng guro at mga prinsipal, retirado man o aktibo, sa lungsod ng Maynila.
Ito, ayon kay Manila Mayor Isko Moreno, ay kasunod ng nagpapatuloy na vaccination rollout ng Manila City government, kung saan umaabot na sa kabuuang 76,690 ang naturukan ng bakuna hanggang kamakalawa.
Nabatid na mismong si Manila Vice Mayor Honey Lacuna ang nanguna sa pagbabakuna na idinaos sa Palacio de Manila sa Roxas Boulevard, Ermita para sa mga guro at mga prinsipal, na kabilang sa A2 at A3 categories, o senior citizens at mga 18-59-anyos na may comorbidities.
Samantala, pinasalamatan ni Moreno si Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III dahil sa pagdating ng 10 brand-new at fully-equipped na ambulansiya na ipapamahagi sa anim na pagamutan na pinamamahalaan ng lungsod.
Ang alkalde ang personal na tumanggap sa mga ambulansiya, kasama si Lacuna at si Manila Health Department chief Dr. Arnold Pangan.