ni Dave Veridiano
KUNG maipatutupad na ng Department of Transportation (DOTr) ang bagong batas na ang bawat sasakyang de-motor na sinasabing “road worthy” lamang ang dapat na maiparehistro upang makabiyahe nang ligtas – masagot na kaya nito ang katanungang: “Sino ang dapat sisihin sa mga matitinding aksidente sa kalsada – ang driver ba o ang kanilang sasakyan?”
“We want to prevent the unnecessary loss of lives and property along our roads, dahil ang road crash, hindi namimili ng panahon— may pandemiya man o wala. Hindi ito namimili ng biktima--mayaman man o mahirap, we can all fall victims to this 'epidemic on wheels.' Kaya 'ho dapat lamang na i-address na natin ito. Ito na ang panahon upang magkaroon tayo ng mas maayos at dekalidad na sistema. We have to recover and thrive amid the pandemic, and in the face of this epidemic called road crash,” ani Transportation Secretary Arthur P. Tugade.
Totoo naman na ang mga “unsafe” na sasakyan sa kalsada ay makadidisgrasya at makamamatay, pero depensa naman ng mga kaibigan kong beteranong driver ng mga “bulok” na pamasadang sasakyan sa mga kalsada sa Metro Manila: “Nasa driver po ’yan…’Di naman sinasabi sa statistics natin na ang sanhi ng mga aksidente na maraming namamatay ay dahil sa bulok ang sasakyan. Karamihan sa pagkakaalam namin ay dahil sa kapabayaan ng mga driver!”
Sa palagay ko ay malaki ang tama ng mga parekoy kong ito. Naniniwala rin akong nasa driver pa rin ang matiwasay na pagbibiyahe nito sa mga lansangan. Kahit bago pa ang sasakyan at pasado pa sa napakamahal na pag-iinspeksiyon ng Land Transportation Office (LTO), kung bara-bara naman magpatakbo ang driver nito – lalo na yung mga bangag sa ipinagbabawal na gamot para raw ‘di antukin sa mahabang biyahe -- siguradong ‘di ito malalayo sa aksidente.
Batay sa nakalap kong datos, noong 2019 ay nagkaroon dito sa Metro Manila ng 121, 771 road crashes – an average of 334 cases per day – at sa bilang na ito, may 372 ang namatay, samantalang 20,466 na mga biktima ang nasaktan at nasugatan, at umabot naman sa 100,933 ang naitalang damage to property. Karamihan sa mga aksidenteng ito, kung susuriin ay hindi dahil sa “bulok” ang mga nadisgrasyang sasakyan, bagkus ay dahil sa kapabayaan ng mga driver.
Sa ilalim kasi ng mga bagong test na isinasagawa ng mga Motor Vehicle Inspection Centers (MVICs), mga pribadong tanggapan na awtorisado ng LTO, ay kinakailangan na dumaan sa: “Stringent 73-point inspection system to be conducted in three (3) stages with the use of state-of-the-art equipment that sends, automatically and in real-time, the results to the LTO’s IT system.”
Pero teka muna – bakit kasali pa rin sa mga ite-test yung mga bagong sasakyan na kalalabas lamang sa mga casa – ‘di pa rin ba “road worthy” ang mga ito o sadyang may gusto lamang na kumita?
Sa simpleng salita, anang mga kaibigan kong jeepney driver, kailangan nilang gumasta ng malaking halaga, lalo na ‘yung may bigat na 4,500 kilograms, na ang fee ay naglalaro mula P1,500 – P1,800, at may re-inspection fee pa ito na halagang P750 kapag hindi nakapasa ang sasakyan sa unang test! Iba naman para sa mga pamasadang jeepney, tricycles at motorsiklo na mula P300 - P600 at re-inspection fee na P150 - P300. Ano sa tingin n’yo, lalo na ngayong panahon ng pandemiya -- matindi ‘di ba?
Pero ayon sa DOTr ay ‘di naman daw ito napakamahal kasi makabago at “state of the art” pa! Ganun ba talaga?
Para naman sa akin – Ibigay lamang ang lisensiya sa mga taong sapat ang kasanayan, kaalaman at responsabilidad sa pagmamaneho, period!
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]