ni MARY ANN SANTIAGO
Pansamantalang ini-lockdown muna ang himpilan ng church-run Radyo Veritas matapos na magpositibo sa COVID-19 ang ilang kawani nito.
Nabatid na nagsimula ang pansamantalang lockdown o pagsasarado ng Radio Veritas main studio na matatagpuan sa162 West Avenuecorner EDSA, Quezon City, kahapon, Abril 14.
Ang hakbang ay bilang pagtugon sa panuntunan ng Inter-Agency Task Force at bigyang daan ang isasagawang 'disinfection' ng buong gusali na bahagi ng pag-iingat ng higit pang pagkalat ng nakakahawang sakit.
Humingi rin ng pang-unawa at panalangin ang Radio Veritas sa mga Kapanalig dahil sa pansamantala pagsasara ng tanggapan kung saan hindi muna pinahihintulutan ang pagtanggap ng mga 'walk in' Kapanalig members at application, gayundin ang Truth Shop at mga hihingi ng tulong sa programang Caritas in Action.
Sa kabila nito, tiniyak ng Radio Veritas 846-ang Radyo ng Simbahan, na patuloy na pa rin silang mapakikinggan sa himpapawid at mapapanood sa pamamagitan ng video streaming at Veritas 846 Facebook page ang mga misa at mga programa ng himpilan.
Pansamantalang ginagamit ng Radyo Veritas ang transmitter sa Taliptip Bulacan, upang patuloy na makapaglingkod at mapakinggan ang mga inihandang mga programa.
Kabilang sa mapakikinggan ang mga banal misa, pagninilay ng mga pari at obispo gayundn ang mga gawain ng simbahan para sa pagdiriwang ng ika-500 taon ng Kristiyanismo sa Pilipinas.
Sa kasalukuyan ay sumasailalim sa swab testings at contact tracing ang Radio Veritas upang malaman ang kalagayan ng iba pang mga kawani kasabay na rin ng isasagawang paglilinis sa buong gusali upang matiyak ang kaligtasan ng lahat.
Para sa mga kapanalig na nais na magbigay ng kanilang 'pledge' at donasyon ay maari itong isagawa online na makikita saveritas846.phwebsite.
Maglalabas ng karagdagang pahayag hinggil dito ang himpilan sa mga susunod na araw.