ni Leonel M. Abasol

Nanawagan si Senador Win Gatchalian sa sektor ng enerhiya na siguruhin ang pagkakaroon ng sapat na suplay ng kuryente habang patuloy na umiiral ang mahigpit na community quarantine status sa kabuuan ng bansa at umaarangkada ang COVID-19 vaccination program ng gobyerno.

Aniya,mataas ang konsumo ng kuryente sa panahon ng summer at dahil dito ay lumiliit ang reserba kaya kadalasan ay hindi sumasapat sa pangangailangan ng mga konsyumer.

Ang panawagan ni Gatchalian ay kasunod ng nakarating sa kanyang kaalaman kung saan nagkaroon ng forced power outages o biglaang pagsasara ng ilang planta sa Luzon.

National

ALAMIN: Mga paunang lunas para sa sugat na dulot ng paputok

Sa datos ng Department of Energy (DOE), lumalabas na sa billing period mula Pebrero 26 hanggang March 25 ay nagkaroon ng 15 na unplanned outages na sumabay pa sa pitong naka iskedyul o planned outages noong mga panahong iyon.

Sa kasalukuyang sitwasyon kung saan kinakailangang mapanatili ang pagkakaimbak sa malamig na storage facilities ng mga bakuna laban sa COVID-19, iginiit ni Gatchalian na hindi dapat maranasan ang pagkakaroon ng brownout dahil maaaring makompromiso ang bisa ng bakuna.

“Sa mga ganitong panahon, hindi dapat mangyari ang anumang brownout dahil karamihan sa mga namamasukan, kahit ang mga nasa gobyerno, ay nasa work-from-home scheme habang ang iba naman ay nasa distance learning o ‘di kaya ay nagsasagawa ng negosyo sa online habang patuloy na tumataas ang bilang ng mga bagong kaso ng COVID-19 na sa ngayon ay karaniwang nasa 12,000 kada araw,” ani Gatchalian.