ni Bert de Guzman
Inihayag ni Speaker Lord Allan Velasco na ang economic manager ng Duterte administration ay kasalukuyang naghahanap at pinag-aaralan kung saan kukuha ng bilyun-bilyong pisong pondo para sa Bayanihan 3, upang gamitin laban sa Covid-19 pandemic.
Ayon sa kanya, sinabi sa kanya nina Finance Secretary Carlos Dominguez III at Budget Secretary Wendel Avisado sa virtual meeting noong Abril 8, na ang Department of Finance (DOF) at Department of Budget and Management (DBM) ay nasa proseso ng pagtukoy sa pagkukunan ng pondo upang maisulong ang Bayanihan 3 upang mapabilis ang pagbangon ng ekonomiya na labis na pininsala ng pandemya.
“I am very thankful to Secretary Dominguez and Secretary Avisado for recognizing the importance of Bayanihan 3 in addressing financial gaps to better manage the government’s response to the impact of the pandemic,” anang Speaker.
Aniya, nakikita ng economic managers ang Bayanihan 3 bilang isang "lifeline for many Filipinos facing economic hardship during this crisis, and I’m very glad that we are aligned on this".
Kapwa naghain sina Velasco at Marikina City Rep. Stella Luz Quimbo, kilalang ekonomista, ng kanilang bersiyon ng Bayanihan 3 sa ilalim ng House Bill 8628 (Bayanihan to Arise As One Act), na nagpapanukala ng P420-billion fund upang mapasigla ang pagbangon ng ekonomiya ng bansa mula sa krisis na dulot ng COVID-19.
Batay sa HB 8628, maglalaan ng dagdag na P108 bilyon para sa karagdagang social amelioration sa mga apektadong pamilya, P100 bilyon para sa capacity-building ng apektadong mga sektor, P52 bilyon para sa wage subsidies, P70 bilyon para sa capacity-building ng agricultural producers, P30 bilyon para sa internet allowances ng mga estudyante at guro, P30 bilyon bilang ayuda sa mga manggagawang nawalan ng trabaho, P25 bilyon para sa COVID-19 treatment at vaccines, at P5 bilyon para sa rehabilitasyon ng mga lugar na tinamaan ng mga baha at bagyo