ni Bert de Guzman
Palalakasin pa ang National Electrification Administration (NEA) upang magkaloob ng total electrification sa kanayunan o mga baryo.
Lumikha ang House Committee on Energy sa pamumuno ni Pampanga Rep. Juan Miguel Macapagal-Arroyo ng isang technical working group (TWG) na mag-aaral at mag-aayos sa House Bill 468, na ang layunin ay lalong palakasin ang NEA sa pamamagitan ng pag-convert dito bilang National Electrification Authority.
Ang panukala na inakda ni Rep. Presley De Jesus (Party-list, PHILRECA), nilalayong ma-define at mapalawak ang mga kapangyarihan ang NEA, tungkulin at operasyon upang matamo ang patakaran ng gobyerno para sa total rural electrification.
Ang TWG ay pamumunuan ni Rep. Sergio Dagooc (Party-list, APEC). Batay sa panukala, ang National Electrification Authority ay tuwirang ilalagay sa ilalim ng Office of the President at hindi isang nakadikit na tanggapan ng ano mang departamento.