ni Mary Ann Santiago
Negatibo na mula sa COVID-19 si dating Pangulong Joseph “Erap” Estrada.
Masayang inianunsiyo ni dating Senator Jinggoy Estrada ang naturang magandang balita nang paggaling ng kanyang ama sa kanyang Facebook post nitong Martes.
Ayon kay Jinggoy, patuloy na humuhusay ang kalagayan ng kanyang ama at inaasahan nilang sa mga susunod na araw ay maililipat na ito sa regular na silid sa pagamutan.
Sa ngayon aniya ay nananatili sa intensive care unit (ICU) at nasa high flow oxygen support pa rin ang ama ngunit sa ‘much reduced rate’ na.
Pinayagan na rin aniya itong magpatuloy ng soft diet.
“We are happy to announce that my dad continues to improve and we expect that he can be transferred to a regular room soon," ani Jinggoy. “His repeat RT-PCR (swab test) is now NEGATIVE!”
“Mentally, he is oriented, conversing normally and appears to be in good spirits,” aniya pa.
Muli rin namang pinasalamatan ni Jinggoy ang lahat ng taong patuloy na sumusuporta at nagmamahal sa kanila at humiling na ipagpatuloy ang pagdarasal para sa tuluy-tuloy nang paggaling ng ama at ng iba pang taong dinapuan ng COVID-19.
“Again, we thank everyone for their continuous support and love and ask that you continue to pray for him and others who are afflicted with this awful and dreaded disease. Thank you so much,” aniya pa.
Matatandaang Marso 29 nang ianunsiyo ni Jinggoy na positibo ang ama sa COVID-19.
Kinailangan itong ilagay sa ICU at malaunan ay sa mechanical ventilation nang lumala ang kanyang pneumonia.
Kaagad rin naman siyang ini-extubate nang mag-stabilize na ang kanyang kondisyon.