ni Mary Ann Santiago

Nagbigay ng ilang tips ang isang opisyal ng Philippine General Hospital (PGH) sa publiko hinggil sa mga essential medical equipment na maaaring kailanganin sakaling mapilitang mag-home quarantine dahil sa COVID-19.

Ayon kay PGH Spokesperson Dr. Jonas del Rosario, kabilang sa mga essential medical equipment para sa monitoring ng COVID-19 sa tahanan ay thermometer, blood pressure monitor o gauge, at pulse oximeter, para masukat ang oxygen level ng isang tao.

Paliwanag ni del Rosario, ang normal oxygen level ng isang tao ay nasa 95% pataas at kung sakaling bumaba ito sa 92% ay nangangahulugang kailangan nang magtungo sa emergency room at magpa-admit ng pasyente.

National

ITCZ, easterlies, patuloy na nakaaapekto sa PH

“Ang normal [oxygen level] po kasi ay 95 percent and above. Sa amin pong algorithm, 'pag ang oxygen niyo ay less than 92 percent kailangan niyo na pong pumuntang emergency room o magpa-admit na po,” aniya sa panayam sa Teleradyo.

Samantala, opsiyonal naman aniya ang oxygen tank para sa COVID-19 home care lalo na at mahal ang mga ito.

Gayunman, kung kaya naman aniyang bumili ng oxygen tank ay maganda ring mayroong nakaantabay nito sa tahanan.

"Kung kaya mo bumili, opo,” aniya pa.

Sinabi pa ni del Rosario na may natatanggap silang ulat na ilang barangay ang nakaantabay na oxygen tanks sakaling may mga residenteng mangailangan.

Nabatid na tumaas na rin ang bentahan ng oxygen tanks dahil sa takot ng mga mamamayan na hindi sila kaagad na ma-admit sa pagamutan sakaling dapuan sila ng COVID-19.

Pinayuhan naman ng Department of Health (DOH) ang publiko na gamitin ang oxygen tanks ng may medical supervision.

Nagbabala rin ito na maaaring magkulang ang suplay nito sa mga pagamutan lalo na at may mga ulat na pinapakyaw na ang mga oxygen tanks sa mga tindahan ng medical supplies.