ni Bert de Guzman
Pinagtibay ng Kamara sa pangatlo at pinal na pagbasa ang HB 8999 o ang “Medical Reserve Corps (MRC) Act.”, na ang layunin ay bumuo ng isang grupo ng mga sanay na tauhan para sa kalusugan sa panahon ng pambansa at lokal na krisis.
Bumoto nang pabor ang 195 kongesista, anim ang nag-"no" at walang abstention.
Ang MRC na nasa ilalim ng Department of Health (DOH) na may tungkuling suportahan ang health system ng bansa, ay magsasama sa mga lisensiyadong doktor, medical students na nakakumpleto ng apat na taong medical course, graduates ng medisina at rehistradong nurses at lisensiyadong health professionals.
Kapag ito ay naging isang batas, ang Pangulo ng Pilipinas ay magkakaroon ng kapangyarihan na pakilusin ang MRC sa buong bansa kapag nagdeklara ng "state of war, state of lawless violence or state of calamity."
Samantala, ang 195 na bumoto nang pabor ay buong pagkakaisa ring nag-apruba sa HB 8990, na naglalayong magtatag ng evacuation centers sa lahat ng bayan at lungsod ng bansa.