ni Leonel M, Abasola

Inakusahan ni  Senadora Imee Marcos ang Department of Health (DOH) na patuloy sa panggigipit sa mga pribadong kumpanya na nais bumili ng bakuna sa pamamagitan ng bago nitong panuntunan sa  pagbili na dagdag sana sa limitadong suplay ng gobyerno at mapabilis ang maramihang pagbabakuna.

"Maoobliga tuloy ngayon ang mga kumpanya na mag-isyu ng Certificate of A4 Eligibility sa ilalim ng National Vaccine Deployment Plan (NVDP), na mag-aalis sa ilang mga empleyado mula sa prayoridad na mabakunahan kahit pa ang produkto o serbisyo ng kanilang kumpanya ay essential o mahalaga tulad ng pagkain, pharmaceutical at transportasyon,” pagbubunyag ni Marcos.

Ang  A4 ay tumutukoy sa grupo ng mga prayoridad na mabakunahan kasunod ng healthcare workers, senior citizens at mga taong may co-morbidities o mga sakit na maaring magpalubha sa impeksyon ng Covid-19.

National

Meralco, tapyas-singil sa kuryente ngayong Mayo

Ang updated na NVDP ay magkakaroon ng 13 sub-classes para sa A4 na binubuo ng frontline workers mula sa pribadong sektor at gobyerno, overseas Filipino workers (OFWs) na may kaparehong trabaho, at ang bago sa listahan na mga religious leader.

Sinabi ni Marcos, chairman ng Senate Committee on Economic Affairs, na ang Certificate of A4 Eligibility ay magdudulot lang ng diskriminasyon sa mga manggagawa at magiging sanhi ng kalituhan, sama ng loob at kaguluhan hindi lang sa mga kumpanya kundi maging sa mga lokal na pamahalaang naatasang magsagawa ng pagbabakuna sa buong bansa.

“Hindi natin muling mabubuksan ang ekonomiya kung mismong DOH ang nagsasara ng pinto. Sa dami ng sub-classes ng A4, dapat pa ngang bigyang insentibo ng DOH ang mga pribadong kumpanya na magbabakuna sa kanilang rank and file, para muling makapagbukas ang mga negosyo ng maayos at makarekober ng mabilis," ani Marcos. 

Una nang tinangka ng DOH na pigilan sa pagbili ng bakuna ang mga manufacturer ng tobacco, alcohol, milk substitutes, at iba pang produktong tinuturing na kontra o salungat para sa kalusugan ng publiko, pero di ito pinaburan ni Pangulong Duterte matapos na rin na isiwalat ni Marcos ang planong ito na nasa administrative order na binuo ng nasabing ahensya.