ni Mary Ann Santiago

Wala umanong nakikitang koneksiyon at Department of Health (DOH) sa pagitan ng Sinovac COVID-19 vaccine at sa stroke na dinanas ng isang lalaki na nabakunahan nito.

Sa isang pahayag, tiniyak namang muli ng DOH na ang naturang bakuna na gawa sa bansang China at iba pang bakuna laban sa COVID-19 ay ligtas at epektibo.

Ipinaliwanag ng DOH na lumitaw sa assessment na isinagawa ng kanilang adverse events committee at ng Food and Drug Administration (FDA) na ang stroke ng lalaki ay hindi dulot ng bakuna at inconsistent ito sa causal association ng bakuna.

National

Meralco, tapyas-singil sa kuryente ngayong Mayo

Binigyang-diin din nito na ang stroke na naganap sa lalaki ay "coincidental” lamang sa emerging conditions ng pasyente.

“The DOH and the Food and Drug Administration (FDA) today report that: (1) the COVID-19 vaccine DID NOT cause the stroke, (2) the adverse event is inconsistent with the causal association to the vaccine, and (3) the adverse event is coincidental to underlying or emerging conditions of the patient,” pahayag pa ng DOH.

"The DOH and FDA strongly emphasize that vaccines are SAFE and EFFECTIVE in affording protection against COVID-19 and in preventing the severe form of COVID-19," anito pa.

Nauna rito, sa isang social media post kamakailan ay sinasabing isang lalaki mula sa Caloocan ang seryosong nagkasakit matapos na tumanggap ng Sinovac COVID-19 vaccine.

Ayon pa sa post, ang 54-anyos na lalaki, na hypertensive at diabetic, ay dumanas umano ng stroke at iba pang sakit.

Kaugnay nito, pinayuhan naman ng mga awtoridad ang mga namamahala sa vaccination sites na sundin ang screening protocols sa pag-assess ng mga recipients ng bakuna.

Hinikayat rin nito ang mga mamamayan na tiyaking hindi maglilihim at ilalahad lahat ng kanilang underlying conditions bago magpaturok ng bakuna.

“With the expansion of the national vaccination program to cover senior citizens and persons with comorbidities, the DOH and FDA likewise urge the public to avail of the FREE COVID-19 vaccines to acquire the protection it provides not only for yourselves, but also for your families,” ayon pa sa DOH.

Samantala, sa kaso naman ng pulis sa Maynila na namatay sa COVID-19 matapos mabakunahan, sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na posibleng na-expose ang pasyente sa virus bago magpabakuna at lumabas ang sintomas pagkatapos mabakunahan.

Pero iginiit ng kalihim na walang direktang kaugnayan ang pagkakaroon ng COVID-19 sa pagbabakuna nang tanungin sa mga umano'y lumalabas na adverse effects.

“Hindi po dapat mabahala ang public regarding this matter. Kailangang maintindihan natin ang sitwasyon. Sa pag-a-analyze namin ng datos ng mga nagkakaroon ng COVID-19 ay nakikita po natin na the persons were already incubating during the time they were vaccinating,” aniya pa.

“Sila ay nag-expose at nag-manifest ang kanilang symptoms pagkatapos na mabakunahan. Pero ayon sa pag-aaral ng ating mga eksperto, walang direct link ng pagkakaroon ng COVID-19 with the vaccines that is Sinovac,” aniya pa.

Dagdag pa ni Vergeire, aabutin pa ng tatlo hanggang apat na linggo matapos matanggap ang ikalawang dose ng bakuna bago maramdaman ang epekto ng bakuna sa katawan.

“Kailangan nating alalahanin na ang full effect ng bakuna ay makukuha natin mga 3 to 4 weeks after you get your second dose. Halimbawa, nakakuha kayo ng first dose, hindi pa ganoong kataas ang antibody tighters natin to give or to receive the full protection of the vaccine,” aniya.