Ni Edwin Rollon

ALCANTARA — Sapat na ang isang magdamag para maipagpag ni Ryan Buenafe ang kalawang na naipon sa pagkabakante sa laro dulot ng pandemic.

Nagsalansan ang dating Ateneo star ng 24 puntos, tampok ang walo sa final period para sandigan ang Siquijor Mystics sa matikas na pagbangon mula sa 19 puntos na paghahabol tungo sa 105-100 panalo laban sa Dumaguete Warriors Sabado ng gabi sa main game ng Visayas leg ng 2021 Chooks-to-Go Pilipinas VisMin Super Cup sa Alcantara Sports and Civic Center sa Cebu.

Malayo sa matamlay na opensa kung saan nabokya si Buenafe sa kabiguan laban sa KCS Computer Specialist-Mandaue nitong Biyernes, impresibo ang diskarte ng beteranong cager para sandigan ang come-from-behind victory ng Siquijor.

Guinness World Records, kinumpirma pagpanaw ng pinakamatandang lalaki sa buong mundo

Sa unang laro, kumabig at agad ding nagparamdam ang ARQ Builders-Lapu-Lapu City Heroes sa matikas na 75-61 panalo laban sa Tabogon Voyagers. Ratsada sa final period ang ARQ, tampok ang 11-0 run upang palawigin ang walong puntos na bentahe sa pinakamalaking 25 puntos na kalamangan, 63-38.

Kumasa rin sa Mystics si Desmore Alcoalso na may 22 puntos, 11 rebounds, flimang assists, at tatlong steals, habang kumana si Miguel Castellano ng 13 puntos at 12 boards.

Iginiit ni Siquijor head coach Joel Palapal na masinsinan ang naging usapan nila ni Buenafe matapos ang kabiguan sa Mandaue at nangako ito ng magandang laro sakabila ng iniindang maga sa kanang daliri sap aa.

“I talked to him last night. I told him na kailangan kita dito. Isa ka sa mga faces ng Siquijor Mystics. Kailangan maramdaman ka ng team. Kung hindi man sa points, dapat sa assists, sa rebounds, sa buong laro,” pahayag ni Palapal.

Nanguna sa Dumaguete sina Ronald Roy at Regalado na tumipa ng tig 18 puntos, habang nagsalansan si dating CESAFI MVP Jaybie Mantilla ng 15 puntos, tatlong rebounds, at dalawang assists. Nag-ambag si Nikki Monteclaro ng 12 puntos, habang tumipa sina Jerick Nacpil at Mark Doligon ng tig-11 puntos.

Sunod na haharapin ng Siquijor ang ARQ Builders-Lapu-Lapu (1-0) sa Miyerkoles ganap na 2:00 ng hapon, habang magtututos ang Dumaguete at Heroes sa Martes ganap din na 2:00 ng hapon.

Pinangunahan ng malapalos na si John Abad ang paghulagpos ng Heroes, tampok ang three pointer habang kumana ang dating Adamson Falcons big man na si Dawn Ochea ng walong sunod na puntos para sandigan ang Heroes sa unang panalo sa kauna-unahang professional league sa South, sa pangangasiwa ng Games and Amusements Board (GAB) at sa pagtataguyod ng Chooks-to-Go – ang Manok ng Bayan.

“Di pa kami consistent especially sa second unit namin,” sambit ni ARQ head coach Francis Auquico. “Medyo doon kami nao-off pero we still have a couple of days of practice to work on that before our second game against the Dumaguete Warriors.”

Iskor:

(Unang Laro)

ARQ-Lapu-Lapu (75) - Ochea 12, Juntilla 12, Lusdoc 10, Abad 9, Tangkay 8, Galvez 6, Senining 5, Mondragon 4, Cañada 3, Minguito 2, Berame 2, Arong 2, Regero 0, Solis 0.

Tabogon (61) - De Ocampo 9, Sombero 9, Diaz 8, Delos Reyes 8, Bringas 8, Lacastesantos 7, Bersabal 7, Vitug 3, Orquina 2, Arboleda 0, Caballero 0.

Quarterscores: 15-13, 38-28, 63-38, 75-61.

(Ikalawang Laro)

Siquijor (105) - Buenafe 24, Alcober 22, Castellano 13, Belleza 11, Aspiras 11, Penaflor 9, Gooc 5, Tangcay 4, J. Buenafe 2, Rodriguez 2, Quiro 2.

Dumaguete (100) - Regalado 18, Roy 18, Mantilla 15, Monteclaro 12, Doligon 11, Nacpil 11, Velasquez 6, Gabas 5, Aguilar 4, Ramirez 0, Gonzalgo 0, Porlares 0.

Quarterscores: 23-38, 60-70, 82-92, 105-100.