INIURONG ng pamunuan ng National Collegiate Athletic Association (NCAA) ang opening ceremony para sa kanilang 96th season sa buwan ng Hunyo.
Ito ang kinumpirma kamakailan ni Colegio de San Juan de Letran Athletic director Fr. Vic Calvo na siya ring NCAA management committee chairman.
"Mid-June na opening as per agreement with GMA due to ECQ (enhanced community quarantine)," ani Calvo.
Nauna nang nagplano ang NCAA na isagawa ang kanilang opening para sa Season 96 sa unang linggo ng Mayo sa pamamagitan ng pagdaraos ng mga online events.
Ngunit, ibinalik sa enhanced community quarantine (ECQ) ang buong Metro Manila at mga karatig lalawigan kung kaya nalimitahan muli ang galaw ng mga tao.
Tampok sa NCAA Season 96 ang mga virtual competitions sa taekwondo at chess, gayundin ang mga skills challenge competitions sa basketball at volleyball.
Ayon kay Calvo ang kanilang hosting ng special season na ito ng liga sa gitna ng nararanasang pandemya ng buong mundo ay handog ng Letran sa NCAA community. Marivic Awitan