Ni BERT DE GUZMAN

Pinagsabihan ni Foreign Affairs Sec. Teodoro Locsin Jr. ang China na paalisin ang kanilang mga barko sa Julian Felipe (Whitsun) Reef matapos ipahayag ng Beijing na wala itong intensiyon na manatili roon nang matagalan.

Ayon sa Foreign Ministry ng China, ang mga barko na naispatan sa coral reef sa dagat ng Bataraza, Palawan ay pawang mga pangisdang-sasakyan lang at hindi maritime militia.

"Kung ganoon pala, sabihan sila na lumayas sa lugar. Lahat sila. If they're really fishing the fish are all gone; they're just fouling the water with waste. Nobody fishes by lashing ships together," matalas na pahayag ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. sa Twitter noong Miyerkules ng gabi.

Kasabay nito, sinimulan ng Department of Foreign Affairs ang araw-araw na paghahain ng diplomatic protests hinggil sa patuloy na presensiya ng mga barkong Chinese sa West Philippine Sea. Ayon sa DFA, araw-araw ay magpoprotesta sila habang naroroon ang mga barkong ito.

Kinumpirma ng National Task Force for the West Philippine Sea, na ang 220 Chinese vessels na pinaniniwalalang bahagi ng China's maritime militia, ay naispatan na nakadaong sa bahagi ng Julian Felipe Reef. Ewan ko kung naroroon pa rin ang mga ito habang sinusulat ko ito. Sana ay lumayas na sila.

Mula noon, ang DFA ay naghain na ng diplomatic protest, pero nanatili pa rin ang Chinese vessels sa nasabing reef at iba pang lugar sa West Philippine Sea. Parang tanging sina Defense Sec. Delfin Lorenzana at DFA Sec. Teddy Locsin ang may boses para kondenahin ang presensiya ng Chinese vessels sa dagat na saklaw ng ating Exclusive Economic Zone (EEZ).

Batay sa mga report, hanggang nitong Marso 29 ay mayroong 44 Chinese boats ang nasa Julian Felipe Reef samantalang ang 115 Chinese militia ships ay namataan sa Chigua (Kennan), 45 sa Pag-asa (Thitu) Island, at 50 sa ibang mga lugar, tulad ng Panganiban (Mischief), Kagitingan (Fiery Cross) at Zamora (Subi) Reefs.

Naghihintay ang mga Pinoy sa pahayag ni President Rodrigo Roa Duterte (PRRD) tungkol sa pananatili ng mga barkong Chinese sa WPS. Kailangan niyang magsalita. Dapat ay kumibo siya. Hindi naman komo magpapahayag ka ng damdamin laban sa Chinese vessels ay hangad ng PH na makipaggiyera sa dambuhalang nasyon ni President Xi Jinping, itinuturing na kaibigan ni PRRD.

Ngunit sabi nga ng dalawa kong kaibigan: "Ganyan ba ang kaibigan, nang-ookupa ng hindi niya teritoryo, ayaw kumilala sa desisyon ng Arbitral Tribunal at sinasamantala ang pagsasawalang-kibo ng Pangulo?"

Anyway, kinausap na raw ni Mano Digong ang Ambassador ng China sa Manila, at ipinaalam ang isyu tungkol sa pananatili ng kanilang mga barko sa lugar na hindi nila saklaw.