PINILI ng FIBA ang Clark para maging host ng final window ng 2021 FIBA Asia Cup qualifiers, kasunod ng naunang pagkaudlot ng hosting nito dahil sa COVID-19 pandemic sa bungad ng taon.
Sa darating na Hunyo 16-20, magsisilbing host ang Clark hindi lamang ng mga laro sa Group A kung saan kabilang ang Gilas Pilipinas kasama ng South Korea, Indonesia at Thailand kundi maging ng mga laro sa Group B at C.
Ang Group B ay binubuo ng Chinese-Taipei, Japan, Malaysia at China habang kabilang naman sa Group C ang Australia, New Zealand, Guam at Hong Kong.
Dapat ay idaraos sa Clark ang mga laro sa Group A at C noong Pebrero. Pero kinansela ito at inilipat sa Doha dahil sa mga ipinatupad na travel restrictions sa bansa.
Subalit ang dapat hosting ng Doha ay hindi rin natuloy nang magpatupad doon ng lockdown dulot pa rin ng pandemya.
Ang Angeles University Foundation Sports & Cultural Center pa rin ang magiging playing venue ng mga laro ng Asia Cup qualifiers habang sa Quest Hotel tutuloy ang lahat ng teams.
Nangunguna sa kasalukuyan ang Pilipinas sa Group A hawak ang 3-0 kartada, kasunod ang South Korea na may 2-0, pangatlo ang Indonesia (1-2) at nasa huli ang Thailand (0-4).
Kahit na nasa ikatlong puwesto, pasok na ang Indonesia sa Asia Cup dahil sila ang host ng event sa darating na Agosto.
May tatlong koponan pa lamang sa ngayon ang mga nag qualified na sa Asia Cup na kinabibilangan ng Bahrain, Lebanon at Indonesia. Marivic Awitan