Ni Mary Ann Santiago
Kailangan ng pamahalaan na makapagsagawa ng 50,000 COVID-19 tests araw-araw dahil hindi sapat ang umiiral na enhanced community quarantine (ECQ) upang tuluyang matuldukan ang surge ng nakamamatay na sakit.
Ayon kay dating Health Secretary Dr. Paulyn Ubial, ngayo’yhead ng Biomolecular Laboratories ng Philippine Red Cross (PRC), upang mas maging matagumpay ang pagpapatupad ng ECQ ay dapat sabayan ito ng testing, isolation, at contact tracing.
Iginiit ni Ubial na ang testing capacity ng pamahalaan ay kulang na kulang sa ideyal na numero ng COVID-19 tests kada araw.
“Ang number one na pagkukulang natin since the start ang sinasabi namin eh ‘yung testing. Napakababa, 37,000 per day pa rin. Eh ang goal natin noon is 50,000 per day hanggang ngayon di natin naa-attain ‘yung 50,000 per day,” aniya, sa panayam sa telebisyon.
Ganito rin ang pananaw ni dating special adviser to the National Task Force against COVID-19 Dr. Tony Leachon, na humihikayat sa pamahalaan na magsagawa ng 50,000 hanggang 100,000 tests kada araw.
Una nang sinabi ni testing czar Vince Dizon na pinag-aaralan ng pamahalaan na itaas ang testing capacity ng 80,000 hanggang 90,000 kada araw, gamit ang antigen test kits na sertipikado ng World Health Organization at ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM), kasama ang RT-PCR test.
Gayunman, sinabi ni Ubial na hindi isinusulong ng Philippine Society of Public Health Physicians, na kanyang kinabibilangan, ang paggamit ng antigen o rapid antibody test kits upang i-detect ang mga pasyente ng COVID-19 dahil maaari itong magdulot ng “false negative” results.
Dati nang idiniin ng Department of Health (DOH) na ang RT-PCR test ang nananatiling gold standard para sa COVID-19 testing.
Nitong Biyernes ng hapon, nakapagtala ang DOH ng karagdagang 12,225 bagong COVID-19 cases, sanhi upang umabot na sa 840,554 ang kabuuang bilang ng COVID-19 cases sa bansa.
Sa naturang bilang, 178,351 ang aktibong kaso, 647,683 ang nakarekober at 14,520 ang sinawimpalad na bawian ng buhay.