ni Bella Gamotea
Mahigpit na babantayan ng Paranaque City Government ang pamamahagi ng financial assistance sa pamamagitan ng binuong Task Force Ayuda para masiguro na matatanggap ng mga residente ang ayuda mula sa goberyno.
Ayon kay Atty. Melanie Malaya, hepe ng Business Permit at Licensing Office ng Paranaque, na mismong si Mayor Edwin Olivarez ang tatayong chairperson at Vice chair naman si City Administrator Ding Soriano.
Nasa P604 milyong pondo ang natanggap ng lokal na pamahalaan ng Paranaque mula sa national government nitong Lunes.
Ang task force ay binubuo ng Grievance and Appeals Committee at barangay team; Joint Monitoring and Inspection Committee; Posting and Reporting team; Data Processing and Information Technology team; at Secretariat.
Higit 151,000 na pamilyang higit na naapektuhan ng ECQ (Enhanced Community Quarantine) ang makikinabang sa cash aid na P1,000 kada indibidwal na nakatala na sa database noong nakalipas na taon sa Social Amelioration Program (SAP) 1,2, at waitlisted, Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), at TODA/PODA.
Sa Facebook account ng Public Information Office ipapaskil ang iskedyul ng payout sa kada araw sa bawat batch upang hindi magkaroon ng pagtitipun-tipon ng mga kukuha ng cash aid.