ni Mary Ann Santiago

Malapit nang magtapos ang ikalawang linggo ng ipinaiiral na enhanced community quarantine (ECQ) sa NCR Plus areas bukas, Linggo, Abril 11,ngunit hanggang ngayon ay ramdam pa rin umano ng Philippine General Hospital (PGH) ang ‘surge’ ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ayon kay Dr. Jonas del Rosario, tagapagsalita ng PGH, hanggang sa ngayon ay puno pa rin ang kanilang intensive care unit (ICU) at ang kanilang beds para sa COVID-19 patients ay nasa 90% capacity pa rin.

“Nadadama pa rin namin yung surge kung tawagin, puno pa rin po ang aming ICU at marami po kaming mga pasyenteng severe, ang iba po critical naghihintay po ng kama, yung iba po nasa emergency room,” ani del Rosario, sa panayam sa TeleRadyo.

Duterte siblings, nag-bonding: 'Always something to be grateful for'

Sinabi rin ni Del Rosario na dahil puno na ang kanilang ICU ay hindi na nila kaya pang tumanggap ng mga severely ill patients o mga pasyenteng malala na ang sakit kaya’t kinakailangan na nilang i-refer ang mga ito sa ibang pagamutan.

“Ngayon po ang aming occupancy nasa 90 percent, 230 out of the 250 beds that we have,” aniya pa.

Sakali naman aniyang magdagdag sila ng mga bed sa ICU setting, magiging problema pa rin nila ang limitadong manpower nila, dahil ang ICU-level care aniya ay nangangailangan ng mga espesyalistang doktor at mga nurse.

Sa ngayon aniya ay may dalawa nang non-COVID wards ang kanilang isinara at hindi na muna sila tatanggap ng mga non-COVID patients maliban na lamang kung ang kaso ng mga ito ay itinuturing na life at limb threatening emergency at mga imminent deliveries.

Umapela rin siya sa iba pang mga pagamutan na mag-admit ng mga non-COVID patients upang mapalawak at makapagpokus sila sa kanilang COVID operations.

Hinikayat rin naman ni del Rosario ang publiko na patuloy na gamitin ang kanilang hotline number na 155-200 para sa COVID-19 at iba pang concerns bago sumugod sa kanilang emergency room.

Ang PGH ang pinakamalaking COVID-19 referral center ng bansa.