ni Bert de Guzman
Binira ng isang kongresista na naging Health Secretary ang Food and Drug Administration (FDA), dahil sa pagkakaloob nito ng permiso o "compassionate use" ng Ivermectin sa isang ospital.
Sinabi ni Iloilo City Rep. Jeanett Garin, dating Kalihim ng Department of Health (DOH) noong panahon ni ex-Pres. Noynoy Aquino, na ito ay isang "malaking biro" at higit na pulitikal kaysa layuning medikal o pangkalusugan.
Inanunsiyo ng FDA na nag-isyu ito ng permiso sa isang pagamutan para gamitin ang Ivermectin pero hindi inihayag ang pangalan ng ospital at kung saan ito. Ang Ivermectin ay isang veterinary drug para sa hayop.
"Issuing a compassionate use permit for just one hospital but saying it cannot be distributed and used for COVID-19 treatment in general seems to be more of a political accommodation than a medical decision," ani Garin na isang doktora.
Sa compassionate special permit (CSP), pinapayagan ang mga doktor o ospital na gamitin ang di-rehistradong medical products para sa limitadong paggamit. "A specialized institution or speciality society will be the only ones to file a request for CSPs,” ayon pa sa kanya.